Una sa Balita

Pagtaas ng singil sa tubig

0 397

Pagtaas ng singil sa tubig ang bumulaga sa ating mga kababayan sa Metro Manila sa pagpasok ng 2019. Kasabay ng ingay ng Bagong Taon ang pag-ingay din ng mga panawagang ipahinto ang implementasyon ng kapasyahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage (MWSS) na nagbibigay pahintulot sa Maynilad at Manila Water na magtaas ng singil sa tubig.

Para sa mga karaniwang taga-lungsod na bitbit na ng napakaraming alalaha­nin sa kabi-kabilang pagbulusok ng presyo ng pangunahing bilihin, hindi katanggap-tanggap ang karagdagang gastusin na tulad ng sa tubig.

Matatandaan na ina­prubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS noong nakaraang taon ang pagtataas ng singil sa tubig ng Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Co. Inc. Magdaragdag ng 0.64 sentimos kada metro kubiko ang Manila Water samantalang sisingil ng karagdagang P1.48 kada metro kubiko ang Maynilad. Nangangahulugan ito ng humigit kumulang tatlo hanggang limang pisong dagdag sa bayarin ng ating kababayan sa tubig kada buwan para sa mga komukunsumo ng hindi bababa sa sampung (10) metro kubiko. Ang Manila Water ay nagsusuplay ng tubig sa humigit kumulang anim na mil­yon katao sa Silangang bahagi ng Metro Manila, samantalang ang Maynilad naman ang sa Kanlurang bahagi. Nagbibigay ng serbisyo sa tubig ang mga nasabing kompanya ayon sa bisa ng isang kasunduan o concession agreement kung saan isang partido ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Related Posts

Napapanahon marahil na muling bisitahin ang concession agreement sa pagitan ng MWSS at ng Maynilad at Manila Water upang masigurong balanseng napapangalagaan ang interes ng konsyumer at ng mga nabanggit na kompanya.

Dapat ipahinto ng MWSS ang implementasyon ng pagtaas ng singil sa tubig at muling pag-aralang mabuti ang mga naging basehan ng mga resolusyong kanilang nilagdaan. Mabigat na pasanin na para sa ating kaba­bayan sa lungsod ang patuloy na pag-akyat ng presyo ng mga pa­ngunahing bilihin, at ngayon ay kabilang na ang mataas na bayarin sa tubig.

Patuloy kong isinusulong ang pagtatatag ng Department of Water Resources Management hindi lamang upang mangalaga sa ating mga pinagkukunan ng tubig kundi upang maging isang ahensiya rin na magsusulong ng maayos na serbisyo sa tubig, katuwang ang MWSS at LWUA. Kapakanan ng mga konsyumer ang dapat na unang isaalang-alang sa usapin ng pagtataas ng singil sa mga pa­ngunahing utilidad katulad ng tubig.