Pagtaas ng presyo ng bilihin, false alarm — DTI
By Armida RicoItinanggi ng Department of Trade and Industry (DTI) na tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sanhi ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa bansa.
Sa isang pulong balitaan na isinagawa kahapon sa tanggapan ng DTI, na dinaluhan ng National Price Coordinating Council, pinakalma nila ang publiko sa mga bali-balitang nagtaasan ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa monitoring ng DTI sa 400 na mga malalaking tindahan sa Metro Manila, lumalabas na wala namang pagtaas sa presyo ng bigas, karne at iba pang pangunahing bilihin.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, sa kanilang pag-aaral, ang nagtaas lamang ng mga presyo ay sweetened drinks, mga restaurant, tobacco at transportation.
Ang nasabing pulong ay dinaluhan nina Lopez, Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing at Department of Agriculture (DA) Usec. Ariel Cayanan at Usec. Ruth Castillo.
Gayunpaman, para paigtingin ang pagbabantay sa mga maaaring magsamantala ng pagtaas ng presyo ng langis nagpanukala naman ang DA na magtatag ng Suggested Retail Price (SRP) sa mga agri product mula karne, manok, itlog, gulay at isda.