Una sa Balita

Pagtaas ng presyo mabigat pa din

0 598

Sa kabila ng pagbaba ng inflation rate noong Disyembre 2018, hindi pa rin lubos na maipagpapasalamat ang 5.1% na inflation. Ito ay nanatiling mataas pa lalo kung ikukumpara sa inflation rate bago ipatupad ang TRAIN Law.

Noong Disyembre 2017, nasa 2.9% lamang ang inflation rate. Nang bumungad ang Enero 2018 at nagsimula ng pagpapatupad ng TRAIN Law, naging 3.4% ang inflation rate. Hindi ito bumaba hanggang sa umabot sa 6.7% noong Setyembre at Oktubre 2018. Pinakamataas ito sa nagdaang halos isang dekada.

Ito ang pruweba na pabigat nang pabigat ang buhay ng mga Pilipino sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Ang ipinangakong uunlad ang bawat pamilyang Pilipino sa ilalim ng administrasyong ito ay kabaliktaran ang nangyari dahil lalong bumigat ang buhay ng mga tao dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ang labis na tinamaan dito ay ang ating mahihirap na kababayan. Kung ‘yun ngang mga nakinabang sa TRAIN Law dahil nabawasan ang income tax ay nagrereklamo dahil sa taas-presyo, isipin ninyo na lang kung ano pa ang kalagayan ng mga mahihirap?

Walang katiyakan ang pagbaba ng 5.1% inflation rate noong Dis­yembre lalo pa at itinuloy ng administrasyon ang second tranche ng TRAIN Law. Walang dudang ipapasa ng mga negosyante ang dagdag na gastos nila sa diesel at gasolina sa presyo ng kanilang mga produkto. Tatamaan ulit dito ang mga consumer – lahat ng mamamayan, mahirap man o mayaman.

Imbes na pinakamagandang regalo para sa Pasko at Bagong Taon, ang TRAIN Law ay naging pabigat at pahirap lamang nitong buong taon ng 2018. At hindi pa matatapos ang delubyong dala ng TRAIN Law sa pagpapatuloy nito sa 2019.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa Facebook at Twitter: @GaryAlejano

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy