Una sa Balita

Pagsusuri sa may kapansanan isama sa UHC Law — Win

0 349

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian na gawing bahagi ng Universal Health Care (UHC) Law ang diagnosis o pagsusuri para sa mga kabataang may kapansanan.

Ito’y bahagi ng panukala ni Gatchalian para palakasin ang ‘Inclusive Education’ sa bansa tulad ng nakasaad sa inihain niyang Senate Bill 171. Isinusulong ng panukalang batas na magkaroon ng Inclusive Education Learning Resource Centers sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Layunin ng Inclusive Education na pagsamahin sa mga regular na classroom ang parehong mga mag-aaral na may kapansanan o wala at sabay na ituro sa kanila ang pangunahing kurikulum.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang pagsusuring medikal o medical diagnosis para matukoy talaga ang kapansanan sa isang bata, ang pangunahing panga­ngailangan nito at kakayahan bago opisyal na maisama sa kategorya ng “children with disabilities.” Makakatulong din ang prosesong ito upang matukoy ang mga kailangang intervention sa mga bata. Ngunit dahil sa mataas na halaga ng medical diagnosis, may mga magulang na pinipiling huwag nang idaan sa ganitong proseso ang kanilang mga anak.

Sa kabila ng kawalan ng medical diagnosis, ang ginagamit na lamang ng mga guro ay ilang ‘assessment tools’ tulad ng Early Childhood Development Council (ECCD) Checklist at ng Multi-Factored Assessment Tool (MFAT) mula sa Department of Education (DepEd). Ayon sa mga guro, nakakatulong ang mga ito upang matukoy ang mga mag-aaral na nahuhuli sa kanilang development.

Ginagabayan din ng mga assessment na ito ang mga guro upang makabuo sila ng ‘individualized education program’ para sa bawat mag-aaral na may kapansanan. Pero lumalabas na hindi sapat ito para masuri nang maigi ang tunay na kondisyon ng isang bata.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More