Una sa Balita

Pagsisinungaling tig-‘singkong duling’ na lang – Ping

0 436

DAPAT umanong palakasin ang batas laban sa perjury para maipataw ang mas mabigat na parusa sa mga nagsisinungaling na mga saksi.

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson matapos ihayag ni Atty. Jode Sabio na iniuurong na niya ang inihain niyang reklamo sa International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Naging tig-singkong duling na lang ang pagsisinungaling under oath sa Pilipinas. That is why there is a compelling reason why we need a stronger perjury law,” pahayag ni Lacson sa isang statement.

“Kahit nga sa mga pagdinig ng Senado, o maging sa mga korte, pabali-baliktad ang mga testigo o resource persons depende kung sino huling kausap,” dagdag nito.

Sa kanyang inihaing reklamo sa ICC, sinabi ni Sabio na nakagawa umano ng krimen sa sangkatauhan si Duterte sa kanyang war on drugs.

Subalit sa kanyang sworn statement, pinababasura nito sa ICC ang kanyang inihaing reklamo at sinabing bahagi lang ng propaganda ng oposisyon ang kanyang reklamo.

Sa kasalukuyan, ang perjury ay may kaparusahang pagkakakulong na anim na buwan hanggang dalawang taon at dalawang buwan. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More