Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagsigla ng Trabaho

0 194

Muli pong naglabas ng resulta ng Labor Force Survey ang Philippine Statistics Authority kung saan bahagyang bumaba ang unemployment rate sa 7.4% noong Oktubre kumpara sa 8.9% noong buwan ng Setyembre.

Indikasyon po ito sa unti-unting pagbangon ng sektor ng paggawa dahil na rin sa pagbabawas ng mga retriksyon at tuloy-tuloy na pagbabakuna.

Kaya suportado po ng inyong TESDAMAN ang inisyatibo at proyekto ng iba’t ibang ahensya at opisinang nakatutok sa paglikha at pangangalaga ng mga trabaho sa bansa.

Una na po rito ang National Employment Recovery Strategy o NERS kung saan naglagak ng mahigit isang trilyong piso mula sa pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng DTI, DOLE, TESDA, at DOST para makalikha ng 2 milyong trabaho at ayuda sa 1.4 milyong manggagawa.

Dahil sa ating mga panawagan, tuloy ang pagsasagawa ng Bureau of Local Employment katuwang po ang ating mga PESO sa buong Pilipinas ng mga job facilitation service tulad ng online at limited face-to-face job fairs.

Noong isang linggo, umabot sa mahigit 15,000 ang mga trabahong inalok sa ating mga kababayan kung saan makikinabang rin ang mga first-time jobseeker sa pagkuha ng mga libreng pre-employment document tulad ng NBI clearance, police clearance, birth certificate, medical certificate, transcript of record, at iba pa, sa ilalim ng isinulong nating First-Time Jobseekers Assistance Act.

Nagsagawa rin po tayo ng National Career Advocacy Congress kung saan inilunsad ang komprehensibong plano para sa career guidance mula 2022 hanggang 2027. Malaking tulong po ito para magabayan at madala sa tamang direksyon ang mga fresh graduate at mga bagong entrant sa labor market lalo na po ngayong napakaraming pagbabago sa teknolohiya at pag-usbong ng mga bagong trabaho.

Nakikiisa rin po tayo sa National Conciliation and Mediation Board sa pangunguna ni Executive Director Maria Teresita Cancio sa pagsasagawa ng 2021 Search for Outstanding Labor Management Cooperation (LMC).

Lalo pong kapuri-puri ang proyektong ito ngayong panahon ng krisis kung saan laganap ang pagsasara ng mga kumpanya o pagbabawas ng mga tao para maisalba ang kanilang negosyo sa bagsik ng tama ng pandemya.

Binabati po natin ang 15 mga finalist ng Search for Outstanding Grievance Machinery at Search for Outstanding LMC for Industrial Peace dahil sa pagpapahalaga nila sa ating mga manggagawa at sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lugar ng paggawa:

  1. Cagayan II Electric Cooperative
  2. Coca-Cola Beverages Philippines
  3. Coca-Cola Beverages Philippines – Imus
  4. Mabuhay Vinyl Corporation
  5. Davao Doctors Hospital
  6. Tagum Agricultural Development Company
  7. Taganito Mining Corporation
  8. SN Aboitiz Power Benguet
  9. Camp John Hay Leisure – The Manor
  10. Ampleaon Philippines
  11. Mary Mediatrix Medical Center
  12. Rohm Electronics Philippines
  13. Zenith Food Corporation
  14. Philippine Gold Processing and Refining Corporation
  15. Knowles Electronics Philippines

Sa pagbibigay po ninyo ng prayoridad sa ating mga manggagawa at pagresolba ng mga hinaing nila sa panahon ng krisis, sumisigla ang trabaho at tumataas ang morale o sigla ng ating mga kababayang patuloy na kumayod, lumaban at manalo sa buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.