Una sa Balita

Pagsibak kay Sereno dedesisyunan bago mag-Pasko

By
0 4

Walang plano ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na madaliin ang pagpapa-impeach kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil sa Disyembre pa maglalabas ang mga ito ng desisyon kung iaakyat ang reklamo sa Senado o hindi.

Sa radio interview kay House Committee on Justice chairman Reynaldo Umali kahapon, sinabi nito na nais niyang tapusin bago ang break ng Kongreso sa Disyembre ang impeachment process laban kay Sereno.

“Basta po, ako… personal ko lang po ito… as the chair of the Committee on Justice ay parang binibigyan ko ‘yung ­aking sarili ng self-imposed deadline na December po. ‘Yung bago po kami mag-break ng Pasko ay ‘yan po ay hopefully matapos na namin,” ani Umali.

Inaasahan na sa susunod na linggo pa mu­ling magkakaroon ng committee hearing sa impeachment complaint kay Sereno dahil ngayong araw na ito inaasahan na matatanggap aniya ng kanyang komite ang rejoinder ng magkabilang kampo.

Dito na malalaman ng komite ang sufficiency ng basehan sa impeachment complaint ni Atty. Lorenzo Gadon laban kay Sereno at saka pa lamang dedesisyunan kung mayroong probable cause.