Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagsasawalang-bisa ng CPD Act, magpapagaan ng buhay sa mga propesyonal na Pilipino

0 15

Bahagi ng responsibilidad natin bilang mambabatas ay masigurong maayos ang sitwasyon at masagana ang pamumuhay ng ating mga kababayan. Ito ay ating maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng makatuwirang batas at ang pagsusulong dito. Sa mga nakalipas na panahon, marami nang panukala ang naisabatas at umiiral, bagay na dapat din bigyan muli ng pansin kung maayos na naipatutupad para sa kaayusan sa ating lipunan. Sa ating pag-aaral at pagsasaliksik, may mga umiiral na batas na talaga namang hindi na napapanahon, sa katunayan, sa halip na magpadali ng buhay ay tila nakapagpapabigat pa sa sitwasyon.

Kabilang sa ating mga tinutukoy ay ang Republic Act No. 10912 otherwise known as the “Continuing Professional Development Act of 2016” o CPD Act of 2016. Sa ilalim ng CPD law, obligado ang lahat ng registered at licensed Filipino professionals na sumailalim sa karagdagang formal at non-formal learning bilang requirement sa renewal ng kanilang professional license sa Philippine Regulatory Commission o PRC.

Kung babasahin natin ang CPD Act, masasabi nating maganda ang hangarin ng batas na ito, layunin kasi nito na masiguro ang patuloy na pagtaas ng karunungan ng mga propesyonal sa ating bayan. Ngunit sa loob ng limang taong pagpapatupad sa batas, tila hindi naging maganda ang pagtanggap ng ating mga propesyonal.

Iba’t-ibang hamon ang kanilang kailangang pagdaanan para lamang matugunan ang mga requirements na isinasaad sa batas, bagay na nakapagbibigay ng karagdagang pasanin sa ating mga kababayan. Kasama sa mga kailangan daanan ng professionals ay seminars, graduate studies, online courses at iba pang katulad na programa. Ang lahat ng ito ay kailangan din gastusan na siyang nakababawas pa sa kinikita. Kita na dapat sana ay gagamitin para maitutustos sa mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Maliban sa gastos, nagiging pabigat rin ang dagdag na oras na kailangang igugol sa nasabing trainings o schooling pati na ang isyu ng accessibility ng mga training centers para lamang makasunod sa itinatakda ng CPD Act. Dahil sa kulang ang mga CPD providers sa bansa, kinakailangan pumunta pa sa mga pangunahing syudad ng ating mga propesyonal para lang makasunod sa probisyon ng batas.

Kaya naman bilang solusyon, ating ipinanukala ang Senate Bill 2344 o “An Act Repealing Republic Act No. 10912, otherwise known as the “Continuing Professional Development Act of 2016.” Isinusulong natin ang panukalang ito upang tugunan at isaayos ang mga isyu ng implementatsyon ng CPD Law.

Mismong ang Professional Regulatory Commission ay nagpahiwatig na sila ay nahihirapan sa pag-monitor at masigurong naipatutupad ng tama ang CPD law dahil tulad ng ating mga professional, ang naturang ahensya ay kulang na kulang rin sa pondo.

Dahil dito, ating nakikita na panahon na para ma-repeal o mawalan ng bisa ang mga probisyon ng CPD law. Ito ay makapagbibigay kaluwagan sa ating mga professionals lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan marami sa kanila ang ay frontliners na nangunguna sa laban natin kontra Covid19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.