Una sa Balita

Pagsabog ng Taal Volcano posibleng abutin ng ilang taon

0 2,470

Posibleng patuloy at paulit-ulit na sumabog ang Bulkang Taal sa mga susunod pang taon, sabi ni Phivolcs Volcano Monitoring Division Chief Ma. Antonia Bornas sa media press briefing, Lunes ng umaga.

Ayon kay Bornas, iyon ang pangkaraniwang pattern ng Taal.

Kaya ngayon aniyang nagsimula na ang pagsabog ay maaari itong abutin ng ilang buwan o ilang taon .

Ang Taal Volcano eruption noong taong 1754 ay umabot ng pitong buwan mula Mayo hanggang Disyembre, samantalang ang pagsabog nito noong taong 1911 ay tumagal lamang ng tatlong araw.

Ang dalawang pagsabog ang pinakamapanganib at pinakamalaking pagsabog na naitala sa bulkan, kung saan umabot sa libong katao ang nasawi.

Ang kasalukuyang pagputok ng Taal ay inihahalintulad din ng Philvocs sa 1911 eruption, na isa ring phereatic explosion o pagbubuga ng bulkan ng abo na walang kasamang magma.

Sa main crater ng Taal nangyayari ang pagsabog ngayong Lunes, Enero 13, 2020.

Pinaghahandaan na rin ng Philvolcs ang worst case scenario, ayon na rin sa kasaysayan ng Taal Volcano, dahil anumang oras umano ay puwede itong magkaroon ng mapanganib na pagsabog o destructive eruption.

Nanatili pa ring nasa alert level 4 ang Taal, isang level ang baba sa pinakamataas na level 5.

Samantala, patuloy namang nagbubuga ng makapal na usok ang Taal bagaman ayon sa Pagasa ay nabawasan ang abo nito kumpara sa kahapon.

Ayon pa sa Pagasa, nagbago rin ang direksyon ng hangin kaya posibleng ang maapektuhan ng ashfall kung magpapatuloy ang pagbuga nito ay ang northeast ng Taal, kabilang ang mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Nothern Quezon at Aurora.

Kahapon ay norte ang direksyon ng hangin kaya naapektuhan ang Metro Manila at ilang lugar sa Central Luzon.

Ayon kay Aldzar Aurelio, Pagasa weather forecaster, mataas din ang naabot ng usok na umaabot hanggang sa may hangganan ng atmosphere kaya malayo rin ang naabot nito habang dinadala ng hangin.

RONILO DAGOS

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More