Una sa Balita

Pagrepaso sa CPD, apurahin

By
0 553

Nagpulong na po ang Senate Committee on Civil Service nitong unang linggo ng Disyembre para pag-usapan kung paano rerepasuhin ang Republic Act 10912 o ang Continuing Professional Development (CPD) Law.

Maganda po ang intensiyon ng CPD Law para patuloy na malinang ang kakayahan ng mga Filipino registered professionals subalit hindi po tama ang pagpapatupad ng batas na siya pong dahilan kung bakit gusto natin itong repasuhin o amyendahan.

Layunin po ng ating panukalang Senate Bill No. 2006 na maisaayos ng Professional Regulation Commission (PRC) ang implementasyon ng CPD Law.

Hindi po dapat ma­ging pahirap sa ating mga guro, nurse, inhinyero, accountant, at iba pa ang batas kaya’t gusto nating i-extend ang validity ng professional ID nang 5 taon at i-exempt ang OFW sa CPD.

Layunin din po nating pababain ang required credit units at i-require ang CPD bilang bahagi ng staff development programs ng mga kompanya o eskuwelahan para hindi na po gumastos ang kanilang mga empleyado.

Maaalala po na nagkaroon ng kontrobersiya sa CPD dahil napakahigpit po ng mga reglamentong inilagay ng PRC sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas.

Nilalaman po ng IRR ang detalyadong alituntunin kung paano ipapatupad ang isang batas at ginagawa po ito ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng PRC.

Ang komplikadong IRR ay nagresulta rin po sa napakamahal na mga CPD program kaya tila naging parusa ang batas na dapat sana’y mag-aangat ng dignidad at kakayahan ng mga propesyonal sa bansa.

Mangangailangan po ng matagal na panahon kung aamyendahan o ipapawalang-bisa ang batas kaya’t sang-ayon po tayo sa pagrepaso sa IRR ng CPD Law na siyang napagkasunduan sa pulong ng Committee on Civil Service.

Subalit hindi po ito nangangahulugang iiwan na po natin ang ating panukalang batas. Patuloy po nating isusulong ang SB 2006 para maisaayos ang pagpapatupad ng CPD.

Binigyan po tayo ng assurance ng PRC at inaasahan po nating gagawing ‘voluntary’ o hindi na po hahanapan ng CPD ang mga propesyonal kapag nagpa-renew sila ng lisensya sa isang taon maliban po sa ilang mga registered profession na may mandatory CPD na nakasaad sa kanilang Professional Regulatory Law (PRL).

Napakahalaga po ng CPD dahil konektado ito sa Philippine Qualifications Framework (PQF) subalit hindi po ito dapat maging pabigat at magastos at lalong hindi po dapat malimitahan nito ang paglago ng isang propesyonal na siyang tinutumbok po ng ating panukalang batas.

Nananawagan po tayo sa PRC na apurahin ang pagrepaso sa IRR ng CPD Law bilang makabuluhang pamasko sa mahi­git tatlong milyong propesyonal na naka-rehistro po ngayon sa ahensya.

Job Fair Schedule:

12th Araw ng Brgy. San Miguel Job fair – Brgy. San Miguel Gymnasium – Digos City – December 10

Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job Fair – Primark Town Center – Tacurong City – December 11

Camarines Norte Job Fair – Little Theater, Provincial Capitol Compound – Daet, Camarines Norte – December 14-15

Taguig City Job Fair – PESO Office, Taguig City – December 15

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy