Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagpupugay

0 66

Sa mga nakaraang kolum natin sa espasyong ito ay nagbigay tayo ng mga positibong pananaw sa papasok na bagong administrasyon. Sa pagtatapos naman ng kasalukuyang termino ng Pangulong Duterte ay siya naman at ang kanyang mga katuwang sa Gabinete ang marapat ding bigyan ng pagpupugay sa mga nagawa nila para sa bayan.

Bawat administrasyon naman ay may magandang nagawa para sa ating bansa. Narating natin ang matatag na estado ng ating bayan ngayon dahil na rin sa mga programa at maayos na polisiya ng mga nakaraang administrasyon.

Kung ang administrasyon ng Pangulong Duterte ang pag-uusapan, isa sa mga maganda niyang nagawa ay ang pagpapaunlad ng ating imprastraktura. Laman ng balita ang kabi-kabilang naglalakihang infrastructure projects na pinatupad ng kasalukuyang administrasyon.

Isa na rito ang Metro Manila Subway Project na matagal ng pinangarap ng mga nakaraang administrasyon pero ngayon lang maipapatupad sa ilalim ng Pangulong Duterte. Nakatakda na ring simulan ang pagpapatayo ng South Commuter Railway Project na halos 55 kilometro ang tatahakin mula Maynila patungong Calamba sa Laguna. Ang dalawang proyektong ito ay tiyak na malaki ang dadalhing ginhawa para sa mga commuters sa Metro Manila at kalapit na lalawigan ng Laguna.

Bukod pa ang mga proyektong ito sa madami pang infrastructure projects sa iba’t ibang parte ng bansa na masisimulan na rin sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Hindi ko na iisa-isahin at limitado lamang ang espasyo natin. Ang masasabi lang natin ay tunay ang pangakong “Build, Build, Build” ng Pangulo.

Dahil sa tagumpay ng kanyang infrastructure program, nitong nakaraang linggo ay binigyang parangal ng Pangulong Duterte ang mga miyembro ng kanyang “Build, Build, Build” team. Kinabibilangan ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Secretary Sonny Dominguez, Transportation Secretary Art Tugade at Presidential Adviser on Flagship Programs and Projects Vince Dizon. Nakatakda ring bigyang parangal ng Pangulo sina dating Public Works Secretary Mark Villar at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua na mga miyembro rin ng “Build, Build, Build” team.

Ang ating kaibigang si Vince Dizon na pinarangalan ng Pangulo ay siya ring Deputy Chief Implementer of the National Action Plan Against COVID-19 at dating president and chief executive officer ng Bases Conversion Authority (BCDA).

Sa lahat ng mga katungkulang pinagkatiwala sa kanya ay kahanga-hanga ang mga nagawa ni Vince. Bilang deputy ni Secretary Carlito Galvez sa pagpapatupad ng action plan laban sa COVID-19, kitang kita naman ang resulta sa katayuan natin ngayon na halos lahat ng parte ng bansa ay nasa Alert Level I na at masigla muli ang ating ekonomiya.

Bilang BCDA president naman ay pinangunahan ni Vince ang development ng New Clark City. Kasama na rito ang pagpapaganda ng Clark International Airport at pagpapatayo at pagpapalawak ng isang modernong passenger terminal na nakumpleto nitong nakaraang taon. Sa New Clark City rin naitayo ang world-class at tunay na maipagmamalaki nating sports complex. Natapos ang malaking bahagi nito sa ilalim ng pamamahala ni Vince at naging venue ng maraming sporting events ng dito ginanap ang Southeast Asian Games noong 2019.

Kaya naman masasabi nating napaka-‘well-deserved” at karapat-dapat ang pinagkaloob kay Vince at sa mga kasama niya sa “Build, Build, Build” team na Order of Lakandula with the Rank of Grand Cross. Isa itong parangal na binibigay sa mga opisyal ng gobyerno na nakapag-ambag ng malaki sa ikauunlad ng buhay ng mga Pilipino.

Congratulations sa iyo, Vince, at sa mga kasama mo sa “Build, Build, Build” team. Muli ninyong pinatunayan sa inyong pagpupursigi na mapasigla ang ekonomiya at makalikha ng maraming trabaho sa pamamagitan ng imprastraktura na sa bawat problema, may LUNAS.

Leave A Reply

Your email address will not be published.