Una sa Balita

Pagpupugay at pagkilala sa ating mga dakilang guro

0 437

Taunang ipinagdiriwang natin ang National Teachers’ Month simula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 alinsunod sa Presidential Proclamation No. 242 (s. 2011) at Republic Act No. 10743 (s. 2016) upang kilalanin ang mga mabubuting gawa at kadakilaan ng mga gurong nagbibigay ng dedikasyon sa pagtuturo upang magabayan ang bawat estudyante na nagsisikap na makapagtapos at maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay.

Bilang pakikiisa natin sa selebrasyon ng National Teachers’ Month ngayong taon taglay ang temang ‘Gurong Pilipino: Handa sa Maka­bagong Pagbabago’, nais kong ibahagi sa inyo ang mga kadakilaan ng ating masisipag na guro para makapagbigay lamang ng magandang edukasyon sa kabataan.

Ang ating mga guro ang itinuturing natin na ikalawang magulang sa loob ng paaralan – pati nga sa labas magkaminsan. Sila ang mga taong nag-aalay ng kanilang oras upang ibahagi ang kanilang kaalaman, hindi ina­alintana ang hirap ng pagtuturo, ang pagod sa maghapong pagtayo, ang sakit sa lalamunan dahil sa mahabang oras ng pagsasalita upang tayo ay mabigyan ng sapat na kaalaman.

Karaniwang naririnig natin na ang pagiging isang guro ay marangal na propesyon, isang bokasyon – naglilingkod nang buong puso at hindi alintana kung mataas o mababa man ang sahod.

Sila ang mga tao na walang kapagurang nagtuturo sa loob ng limang araw, nagpupuyat sa gabi upang maghanda ng aralin para sa susunod na araw, nagpupuyat sa paggawa ng pagsusulit para sa kanilang estudyante upang mabigyan ng grado ang mga ito. Bagama’t puyat sa gabi, sila’y buong lakas, buong puso at buong siglang pumapasok at hinaharap ang kanilang mga estudyante na punong-puno ng pagmamahal.

Maituturing na ‘buhay na bayani’ ang ating mga guro – na nagpakadakila sa napi­ling propesyon, walang kapaguran sa pagtuturo at walang sawang gumagabay sa kabataan.

Ang kanilang sektor ang madalas nating nakakaligtaan o hindi napapansin sa kabila ng lahat ng pagmamalasakit nila sa atin kaya marapat lamang na ituring natin silang mga buhay na bayani sapagkat dakila silang naglilingkod para sa bayan.

Saludo ako sa lahat ng ating mga guro! Kaya sa lahat ng a­king mga naging guro at sa lahat ng guro ng bayan na patuloy na humuhubog sa kaisipan ng bawat kabataang Pilipino, Happy National Teachers’ Month!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy