Una sa Balita

Pagpirma ng Senior High School ROTC law, gawing prayoridad!

0 684

Noong 2018 ay ipinahayag ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na pabilisin ang pag-apruba ng pagpapanumbalik ng mandatory ROTC sa kurikulum ng mga mag-aaral. Bilang chairman ng Senate Education Sub-committee, lubos nating hinihikayat ang Malacañang na markahan bilang urgent ang pagsasabatas ng Senior High School Reserve Officers Training Corps (ROTC) Act bago pa magsarado ang ika-17 na Kongreso sa Hunyo 7.

Ito na lamang kasi ang natatanging solus­yon upang hindi mabitin ang pagsasabatas nito dahil 11 araw na lamang ang natitira bago magpalit ng panibagong Kongreso.

Sa nasabing panukala, layon nito na ga­wing mandatoryo ang ROTC program sa lahat ng Grade 11 at 12 students mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Gusto nating maipaabot at mabura sa isipan ng ating mga mag-aaral at magulang na hindi pulos military training ang dulot ng panukalang batas na ito. Mahalagang malaman na kung may pang-aabuso, pananakit o pag-bully, may grievance committee na itatalaga sa bawat eskuwelahan upang maiwasan at maresolba agad ang anumang problemang kakaharapin nito. Sisiguraduhin din na mabibig­yan ng proteksyon ang mga estudyante upang hindi na maulit ang iba’t ibang hindi magandang insidente noon.

Related Posts

Sa wasto at regular na pag-aaral at pagsasanay, matututo sila ng tamang disiplina, ang magpahalaga sa sariling bayan at magkaroon ng personal na hangaring makapagsilbi sa kapwa, gaano man kahirap o kalaki ang pagsubok na maaari nilang kaharapin. Malaking bagay ito na sila ay maihanda sa pagtugon sa mga disaster response operations, search, rescue at relief operations, mga early recovery activities, at iba pa.

Ilan sa mga kabilang na insentibo para sa mga sumasailalim sa ROTC program ay ang kuwa­lipikado silang mapabilang sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP). Bukod dito, libre rin ang kanilang pagpapa-ospital kung may mangyari mang aksidente o emergency habang nasa training ang estudyante.

Kaya naman aking tinututukan ang mabilis na pagsasabatas ng priority bill na ito dahil naniniwala ako na para ito sa ikabubuti ng ating kabataan at ng ating bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy