Una sa Balita

Pagpili ng chief PNP itulad sa SC chief justice

0 509

Mas makabubu­ting ihalintulad sa pagpili ng chief justice ng Sup­reme Court (SC) ang hihiranging hepe ng Philippine National Police (PNP).

Tulad sa mga kandidatong chief justice ng SC ay marapat munang isalang sa public interview ang mga kandidato sa pinakamataas na puwesto sa PNP.

Kung ganito kasi ang proseso sa pagpili ng chief PNP ay tiyak na hindi na magkakaroon pa ng kontrobersiya tulad sa nangyari kay dating PNP chief Police General Oscar Alba­yalde.

Maaari rin kasing mabusisi ng publiko ang background ng mga kandidatong hepe ng PNP at bukod dito ay maaaring maghain ng reklamo o pagtutol ang sinuman kung may mga nagawa itong kamalian.

Tulad sa kaso ni Albayalde ay lumilitaw na isinasangkot ito sa pagkakanlong umano sa kaniyang mga tauhan sa Pampanga na sangkot sa pag-recycle ng illegal drugs na binansagang ‘ninja cops’.

Bukod sa public interview ay marapat na sumailalim sa lifestyle check ang mga kandidatong chief PNP upang makatiyak na hindi ito nasangkot sa katiwalian sa panahon ng panunungkulan.

Dahil sa nangyaring eskandalong kinasasangkutan ni Albayalde ay muling nabahiran ang imahe ng PNP.

Mismong si Pangulong Duterte ay nadismaya sa PNP dahil mayroon pa ring mga pulis ang sangkot sa pag-recycle ng iligal na droga.

Sa ngayon ay mayroon nang isinumiteng short list sa Pangulo upang pagpilian nito na maging hepe ng PNP pero sana ay mas maging mahigpit ang Pangulo sa paghirang upang hindi na rin maapekthan pa ang kabuuang imahe ng pambansang pulisya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy