Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagpedal

0 164

Sa darating na Marso, isang taon na ako dito sa lalawigan. Mula nang magkaroon ng pandemya, hindi ko pa nagagawang bumalik sa Kamaynilaan. Hindi ko naman hinahanap-hanap. Sapat na sa aking mapanood sa telebisyon na mabigat pa rin ang daloy ng trapiko; na marami pa rin naglisaw-lisaw na tao na hindi sumusunod sa minimum health standard para makaiwas sa sakit.

Hindi ko pa kailangang bumalik sa Maynila para magturo sa antigong unibersidad. Isa ako sa pinalad na mabigyan ng pagkakataong magturo gamit lamang ang laptop at internet connectivity. Sa ganitong paraan ko nakikita, nakakausap, nabibigyan ng gawain ang aking mga mag-aaral sa kolehiyo.

Sa kabila nito, at dahil nakasanayan, gusto ko pa ring maglakbay gaya dati. Pero hindi gaya dati, gusto kong maglakbay nang ligtas at, hangga’t kaya, may malusog na pangangatawan. Kaya para tugunan ito, bumalik ang hilig ko sa pamimisikleta.

Bago pa ako kuhanin ng aking bokasyong magturo, mahilig na talaga akong mamisikleta. May luma akong bisikleta dito sa aming bahay sa Lucban na inayos ko. Galing pa ito sa aking kabataan sa Valenzuela mula noong dekada nobenta. Kung saan-saan ko pinedalan noon ang luma na ngayong bisikleta: Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Tagaytay.

Pinalitan ko ang mga hindi na gumaganang piyesa. Nilinis ang mapakikinabangan pa. Ito, kasama ng iba pang binili ko noong magsimula ang pandemya, ang aking ginagamit sa madalas na paglalakbay sa palabas ng aming bayan.

Sa tuwing mamimisikleta, nawawala pansamantala ang alalahanin ko. Nakakapagnilay. Nakikilala lalo ang sarili, natataya ang kakayahan. Lumalakas sa mga pagkakataong maraming alalahanin sa buhay. Maliban pa sa tunay na paglakas ng pangangatawan.

Madalas akong namimisikleta, mga dalawang beses kada linggo. Mahahabang biyahe, mula limampu hanggang sandaang kilometro. Dahil malaki ang lalawigan ng Quezon kaya ang sandaang kilometro ay ilang bayan lang mula sa Lucban. Minsan, tumatawid ako sa Laguna. Tinitingnan ang mga tanawin. Nililitratuhan gamit ang smartphone. Ia-upload sa social media. Minsan gumagawa rin ako ng video. Ikinukuwento ko ang kahalagahan sa kasaysayan at heograpiya ng mga lugar na pinupuntahan ko.

Batay sa mga natatanggap kong komento, masaya silang nakikita ang iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Para na rin daw silang naglalakbay. Pero hindi naman sila nahihirapan sa pagpedal.

Mahirap pumedal lalo sa paahong bahagi ng aming bayan. Pero kailangan kong gawin dahil hindi ako makakauwi sa amin. Sa pagpedal ko nararamdaman na kailangan munang paghirapan bago makarating sa gustong puntahan.

Mula sa Latin na ‘pedalis’ ang salitang ‘pedal’. Maaaring dito sa atin, ang pagpedal ay pagsikad sa bisikleta upangumandar. Pero ang etimolohiya ng pedalis ay paa. Ped o pes. Kaya nga may salita tayong ‘pedicure’ o iyong paglilinis ng paa. Sa salitang ‘ped’ din galing ang ‘pedestrian’ o mga tao na naglalakad sa kalsada. Ginagamit din natin ang ‘pedicab’ oiyong bisikletang may sidecar. Pinepedalan. Mahirap. Mabigat. Pero sa pagpedal mas napahahalagahan ko ang bawat usad na resulta ng aking lakas, lalo ngayong panahong kailangang maging malusog at malakas.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundanninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.