Una sa Balita

Pagpatay kay Cardo Dalisay naudlot

Humamig ng 44.6% rating

By
0 1,742

Kung kailan naglabasan ang kuwento na tatapusin na ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin sa ABS-CBN, doon naman biglang sumirit paitaas ang ratings nito, ayon sa Kantar Media.

Last June 27, eksaktong araw na lumabas ang balita na tatapusin na ang ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ doon naman biglang humamig ito ng highest national TV rating na 44.6%.

At dahil doon, mukhang mas ginanahan pa sila na pahabain pa ang Ang Probinsyano. Na ang sabi-sabi na pagtatapos sa mga susunod na buwan, o Setyembre, mukhang paabutin pa hanggang Pebrero 2019, at puwedeng umabot pa hanggang katapusan ng 2019, ha!

Anyway, naglabas na ng statement ang ABS-CBN tungkol sa balitang magtatapos na ang teleserye ni Coco Martin, ang FPJ’s Ang Probinsyano.

Naging matunog nga ang bulung-bulungan na magtatapos na ang teleseryeng ito ni Coco Martin, dahil na rin sa puspusan na pagti-taping ng dalawang teleserye na magkasabay na ginagawa ngayon, na sabi nga ay posibleng ipalit daw sa Ang Probinsyano. Ito nga ay ang teleserye ni Angel Locsin na The General’s Daughter, at ang Starla ni Judy Ann Santos.

Pareho ngang pang-primetime ang dalawang teleseryeng ito na bida ang pinakamalalaking artista ngayon. Malabo nga raw na ilagay ito sa pang­hapon na mga teleserye nila, dahil ang kalibre ng mga aktres na bida sa mga teleseryeng ‘yon ay pang-primetime talaga.

Ang Starla nga ang hinihinala, at pinu-push na rin talaga ng mga fan, na puwedeng ipalit sa Ang Probinsyano, dahil ang reyna nga lang daw ng teleserye na si Juday ang puwedeng humalili sa trono ng Hari ng Primetime.

Pero sabi nga ng source ko na taga-Dreamscape, wala pang kasiguraduhan kung hanggang kailan ang Ang Probinsyano. Unang-una, ang dalawang teleserye nga raw na ginagawa ngayon ay wala pa ring timeslot.

“Ganun naman sa ABS CBN, naglalabas lang ng timeslot a week before na ieere na ang teleserye. Minsan nga, day before lang ilalabas ang timeslot. So, wala talagang nakakaalam.

“Sa ngayon, tuloy-tuloy lang ang taping ng Ang Probinsyano. Wala pang pinag-uusapan kung hanggang kailan ito aabutin sa ere,” sabi pa ng aming source.

Anyway, sa Setyembre nga ay magtatatlong taon na ang Ang Probinsyano, at sabi nga, hindi na masama kung tapusin na ito, dahil mahaba na rin ang inabot ng kuwentong ito ni Cardo Dalisay. Pero malabo na nga ‘yon na matuloy dahil na rin sa mukhang may clamor na rin mula sa mga fan ni Coco na sige pa, ituloy pa, pahabain pa ang buhay ni Cardo.

So, kung ipapasok sa mga susunod na buwan ang mga teleserye nina Juday, Angel, kaninong mga teleserye kaya ang biglang tatapusin? Ang teleserye ni Piolo Pascual, o ang kina Liza Soberano, Enrique Gil? Abangan!

Anyway, narito ang statement ng ABS-CBN tungkol sa Ang Probinsyano:

“Walang katotohanan sa haka-hakang nakatakda nang magtapos ang ‘FPJ’s Ang Probinsyano.’ Patuloy na nae-enjoy ni Coco Martin at ng mga writer ng programa ang pagbuo ng mga bagong ideyang magdadag ng aliw, aksyon, at aral sa kwento nito, pati na ang pakikipagtulungan nila sa buong cast at production team. 

“Nananatili ring top-rater ang ‘FPJAP’ gabi-gabi, at maaasahan ng ating mga Kapamilya na magpapakilala pa ito ng mga bagong kwento at karakter sa pagpasok ng serye sa ikatlong taon nito.” — Kane Errol Choa (Head, Integrated Corporate Communications).