Una sa Balita

Pagpapatalsik kay Sereno pilit na pilit – PNoy

By
0 1,214

Naniniwala si da­ting Pangulong Benigno­ ‘Noynoy’ Aquino III na ipinilit talaga ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC) na mapatalsik sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition.

Sa ipinalabas na pahayag ni Aquino, inihalintulad nito ang naging desisyon ng mga mahistrado sa bunga ng mangga na kapag pinilit mahinog ay maasim ang lasa nito.

“Marahil marami sa inyo, tulad ko, ang paboritong prutas ay mangga. Kung nais natin ang matamis na mangga, hihintayin nating mahinog ito. Alam din natin, pag pinilit itong mahinog, maasim ang kalalabasan nito,” ani Aquino.

Binigyang-diin ni Aquino na malinaw ang nakasaad sa Saligang Batas na ang impeachable officer ay maaalis lamang sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.

“Makailang ulit nang nasabi ng Korte Suprema: Kung ang batas ay malinaw na, di na kailangan ng paliwanag pa. Klaro ang nasa Saligang Batas: ang impeachable officer, sa pamamagitan lang ng impeachment maaalis sa puwesto. Sa aking pananaw, kung ano man ang magiging paliwanag ng mayorya, ang makikita lang natin ay isang pilit na pilit na desisyon. Ang tanong ngayon: Gaano kaya ­kaasim ang desisyong pilit nilang isusubo sa atin?” ayon pa kay ­Aquino.

Ang dating pangulo­ ang nagluklok kay Sereno bilang Punong Mahistrado ng SC noong Agosto 24, 2012 kapalit ni dating Chief Justice Renato Corona na pinatalsik sa puwesto noong Mayo 29, 2012 sa impeachment trial ng Senado.