Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagpapanggap

0 12

May negatibong konotasyon agad kapag sinabing ang isang tao ay mapagpanggap. Ibig sabihin, hindi totoo. Hindi totoo sa pakikitungo sa ibang tao o sa sarili. Nagpapanggap o nagpapakita ng ibang pagkatao. Itinatago ang tunay, ang tunay na kulay.

Tinatawag din silang mapagkunwari. Nagkukunwari ng kung anong katayuan. Nagkukunwaring mayaman o mahirap na ang totoo ay kabaligtaran. Nagkukunwaring lingkod ng bayan. Pero hanggang sa harap ng camera lang. Sila ang mga pulitikong mapagpangggap. Sa pangangampanya, akala mo sinsero, totoo. Napakabuti. Laging nakangiti. Pero kung makikilala mo ang tunay na pagkatao, hindi.

Pero may ibang uri ng pagpapanggap sa panahon ngayon. Iyon ay ang personal na pagpiling magpanggap na malakas; nagpapakalakas para sa kaniyang minahamahal kahit na, ang totoo, nagpupumilit din lang kayanin ang mga pagsubok lalo sa panahon ngayong laganap ang salot.

Oo, nakaka-relate ako. Ganyan din ako. Nagpapanggap na malakas, na kaya kong gawin lahat dahil maraming umaasa. Na hindi dapat ako manghina o malungkot. O maguluhan. Dapat alam ko lahat ang gagawin. May nakahandang contingency measures sa lahat ng sitwasyon: sa career, pamilya, libangan, pakikipagkapwa, iba’t ibang aspekto ng buhay.

Dapat nababanaagan ko ang mangyayaring hindi maganda. Buo dapat ang loob ko. Buo ang diskarte. Malakas. Pero sa loob, nagpapanggap lang. Nagkukunawaring kaya. Hindi dapat makitang mahina o naguguluhan. Hindi dapat malamang nalilito sa gagawin. Hindi dapat makitang nalulungkot.

Noon pa lang, magaling na akong magpanggap. Noong second year high school at kailangan kong tumigil at magtrabaho. Noong katorse anyos ako’t na-stroke ang nanay na kailangan kong bantayan sa ospital nang ilang linggo. Noong second year sa kolehiyo at kailangan kong iuwi ang labi ng nanay ko mula sa ospital, dalhin sa punerarya, pumili ng kabaong, at maulilang lubos pagkatapos. Nagpanggap akong alam ko ang ginagawa ko. Mula noon, nagpanggap na akong matatag.

Pero sumisimple rin ako ng iyak kapag hindi na kaya. Kapag wala nang mapagsabihan. Gusto ko na lang aminin na pagod na, o hindi na kaya, o teka, pahinga muna, pwede ba? Tapos ayos na uli. Magpapanggap na uling malakas.

Tapos naisip ko, kung magpapanggap, at mukhang naniniwala naman ang mga mahal ko sa buhay, bakit hindi na lang totohanin para hindi na magpanggap? Kinarir ko ang pagpapanggap kaya naniwala na rin akong malakas. Pero may mga pagkakataon na gusto ko na lang uling tumigil at umamin. Manahimik. Pero, dahil nakasanayan, kailangan kong magpatuloy. Maraming umaasa. Kaya oo, nakaka-relate ako sa mga pagod na. Iyong nagpapanggap din. Lalo ngayong ikaw ang pinanghahawakang lakas at gabay ng mga mahal mo sa buhay.

Pwede rin naman tayong sumimple nang pahinga. Magsentimyento sa kung gaano kabigat na lahat ito. Umiyak. Tumahan. Pero bawal panghinaan. Magpahinga. Magrelaks. Tumanga paminsan-minsan. Okay lang ‘yan. Pero babalik tayo sa dati. Dapat. Magpapanggap na malakas. At kung pagod nang magpanggap, bakit hindi na lang totohanin?

Tara, pahinga muna. Mahaba pa itong tatawirin nating ito.

***
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.