Una sa Balita

Pagpapahinga at pag-iisip

0 1,624

Nitong Miyerkoles ay umalis si Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte patungong Bali, Indonesia para dumalo sa ASEAN Leaders’ Gathering. Bago nito, sinabi niya na siya ay cancer-free sa isang media interview kaharap ang Malacanang Press Corps (MPC).

Ito ang pangala­wang biyahe ng Pa­ngulo sa labas ng Pilipinas sa loob lamang ng isang linggo. Nitong nakaraang Sabado ay bumiyahe siya pa Hong Kong kasama ng kanyang partner na si Honeylet Avanceña at anak na si Veronica ‘Kitty’ Duterte.

Nagpunta si Presidente Digong sa Hong Kong upang magpahi­nga kapiling ang pamil­ya. Ginamit niya ang pagkakataon upang magkaroon ng pribadong oras: Nag-ikot, kumain at namili.

Abante Hiring – IT dep

Kaya naman nakakatawa ang mga balitang kumalat na nasa Hong Kong daw ang Pangulo upang magpagamot. Kung ikaw ba ay may matinding karamdaman, gagala ka pa ba tulad nang ginawa ng Pangulo?

Dinaan na lang tuloy sa biro ni Presidente Digong na nalaman sa Hong Kong na siya ay may ‘battery syndrome.’ Tulad daw ng isang baterya, may positibo at may nega­tibo.

Nag-ugat ang mga ­balitang nagpagamot siya sa Hong Kong dahil sa sinabi niya noong isang linggo na nagpatingin siya sa Cardinal Santos Medical Center. Lumakas ang mga haka-haka na may sakit si Presidente Digong nang sinabi niyang siya ay nagpa-endoscopy at colonoscopy.

Ngunit walang basehan ang mga ito. Mala­kas na malakas ang Pa­ngulo. Nitong nakaraang linggo nga ay du­malo pa siya sa pagtitipon ng Phi­lippine Military Aca­demy Alumni Association, Inc. (PMAAI) sa Malacañang. Nung sumunod na araw ay dumalo naman siya sa isang closed-door Cabinet meeting. Naki­pagpulong din siya kay dating Pangulong Fidel Ramos para pag-usapan ang ilang mahahalagang bagay.

Sa sobrang daming ginagawa ng Pangulo sa araw-araw ay tama lang na ginamit niya ang nakaraang Sabado at Linggo upang makapiling ang kanyang pamilya.

Ngayon at nakabalik na ang Pangulo ay patuloy ang kanyang pagtatrabaho para mabigyan ang bawat Pilipino ng magandang buhay.

Noong nakaraang linggo rin ay nagsabi ako na liliban muna ako sa trabaho upang pag-isipan nang mabuti ang gagawin kong desisyon sa paglilingkod ko sa bayan. Taimtim akong nanalangin sa Panginoon para ako’y Kanyang gabayan.

Hindi madali ang trabaho bilang taga­pagsalita ng Pangulo. Mahirap din ang ma­ging senador ng ating Republika.

Bilang tagapagsalita ng Pangulo, nakatulong akong maipaha­yag nang malinaw sa ating mga kababayan ang saloobin ng Pa­ngulo. Batid ko ang kahalagahan ng pagbahagi sa publiko ng mga polisiya ni Presidente Digong.

Sa kabilang dako, ang Senado ay isang magandang pagkakataon na bumuo ng mga batas at polisiya na makakatulong sa pag-unlad ng ating bansa. Bilang miyembro ng Mababang Kapulu­ngan ay nakagawa tayo ng mga batas at panukala, tulad ng universal health coverage o libreng pagpapagamot para sa lahat ng Pilipino, libreng pag-aaral sa kolehiyo, pagbibigay ng libreng irrigation sa ating mga magsasaka, libreng pakain para sa mga mag-aaral sa elementarya, at pagpapatibay sa polisiya natin sa HIV at AIDS.

Naranasan ko nang magsilbi sa dalawang sangay ng pamahalaan. At sa parehong pagkakataon ay ginampanan ko ng buong puso at buong husay ang aking tungkulin.

Gabayan nawa ako ng Maykapal sa panibagong yugto ng aking buhay.