Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagpapahalaga sa edukasyon

0 424

Maraming paraan ng pagpapakita ng pagbibigay ng importansya—mapa-personal o pang-sambayanan. Ang pinakapang-karaniwan ay ang pagsasabi nito. Nguni’t hindi lahat ay biniyayaan ng galing sa pangungusap kung kaya’t binibigyan ding halaga ng ating lipunan ang mga iba’t ibang kilos at aksyon bilang palatandaan ng bigat ng pagpapahalaga sa isang tao, bagay, prinsipyo at maging ano pa man.

Tingnan natin ang kaso ng edukasyon sa bansa. Ang isang palatandaan na binibigyan ng mataas na pagpapahalaga ito ay ang isinasaad sa Saligang Batas na ang edukasyon ang makatatanggap ng pinaka-mataas na alokasyon sa paggastos ng pamahalaan. Bagama’t tumutukoy ang pambansang paggastos sa mga pampublikong paaralan at gawain, hindi maikakaila ang prayoridad na itinakda ng mga gumawawa ng Konstitusyon para sa pangkakalahatang edukasyon.

Taas noong ipinagmamalaki ng pamahalaan ang pagpasa ng CREATE Act—ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act—na nagbababa ng porsyento ng buwis para sa mga kumpanya. Para sa pamahalaan, ito ay magiging mabisang pamamaraan upang mahikayat ang mga mamumuhunan sa bansa. Sinasabi rin na sa pamamagitan nito, makakumpetensiya ang Pilipinas laban sa ating mga karatig-bansa sa larangan ng pagbibigay na magandang tahanan para sa mga mamumuhunang banyaga. Sabay pa rito sa batas na ito ang ilang probisyon na pansamantalang nagbababa ng mga porsyento ng buwis sa ngalan ng pagbangon mula sa COVID. Sa ilalim ng batas na ito, ibinaba din ang buwis para sa mga pribadong paaralan sa 1% mula 10%. Tila ang naging formula rito para maisabatas ito—matapos ang ilang ulit na pagkakabinbin nito—ay ang paglalagay ng mga probisyon para, sabi nga, everybody happy.

Kaya nakapagtataka kung bakit naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng regulasyon na nagpapataw ng mas mataas na buwis para sa mga pribadong paaralan. Tila ang mga taga Department of Finance (DOF) at mga taga-BIR lang ang nakauunawa ng katwiran sa likod ng kanilang regulasyon. Ang tinutukoy na regulasyon ay ang Revenue Regulation No. 5-2021 kung saan itinataas ang buwis sa 25% mula 10% para sa mga pribadong paaralan na may anyong korporasyon na may layuning kumita.

May mga senador na nagpahiwatig na dapat mapasawalang-bisa ang regulasyon ng BIR na ito sapagkat hindi lamang ito taliwas sa batas na CREATE, taliwas din ito sa gustong ibigay na mensahe ng pamahalaan hinggil sa pagpapababa ng buwis para makabangon ang mga ekonomiya. Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang mga paaralan ay isa sa mga matinding tinamaan ng pandemya. Bukod sa pagkabawas ng kanilang kita na dulot ng pagbaba ng enrolment, nanatili ang kanilang mga gastusin lalo na sa larangan ng pagpapasweldo sa kanilang mga empleyado. Dagdag pa rito ang mga biglaang gastusin para makasabay sa online education.

Pagkakamali ba ang regulasyon o ito ang tunay na hangarin ng administrasyon? Ito ay malinaw na halimbawa kung saan ang pagpapahalaga sa edukasyon ay bukang-bibig lamang at hindi natutumbasan ng tamang patakaran.

Leave A Reply

Your email address will not be published.