Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagninilay

0 68

Lubhang peligroso pa ang panahon. Halos lahat tayo ay apektado ng pandemya. Hindi man tayo mahawahan—huwag naman, sana—apektado tayo dahil limitado ang ating kilos. Apektado ang iba dahil nawalan ng trabaho. O may ibang nabawasan ang araw ng pasok kung hindi man naapektuhan ng rotation sa pinapasukan. Nabawasan din ang sweldo, natural.

Dulot din ng tumataas na bilang ng nagkakasakit kung bakit mas lalong humigpit ang pagkilos ng marami sa atin sa mga lugar na pinakamaraming populasyon sa bansa. Apektado ang kalakalan, trabaho, industriya. Dati nang apektado ang pag-aaral. Apektado ang kalusugan at kaisipan. Hindi mo kailangang dapuan o mahawa ng sakit para masabi mong apektado ka rin.

Kaugnay nito, sa tradisyong Katoliko, gusto kong ipaalala na ito ang ikalawang Semana Santa na mayroong pandemya. Halos nabura na ang tradisyon ng pabasa, senakulo, Visita Iglesia, prusisyon, at ilang gawaing pansimbahan na dinadaluhan ng marami. Karamihan ngayon ay online. Misa, senakulo, Visita Iglesia, pwede nang sa gadget na lamang gawin.

Tigil na rin ang nakasanayan ng maraming bakasyon kaugnay ng okasyong ito. Nasa bahay lang kami ng pamilya ko ngayon. Wala ang nakasanayan nating balita sa telebisyon at radyo hinggil sa mahabang pila ng mga tao sa mga terminal ng sasakyan, pantalan, paliparan.

Pero ano mang pagbabago, kalungkutan at pangamba ang nararamdaman ninyo lalo na nitong mga nagdadaang araw, masasabi kong magandang pagkakataon naman ito para magnilay o iyong, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino ay ‘pag-iisip nang malalim na may kalakip na pagsusuring espiritwal’.

Magandang pagkakataon na magnilay. Pagnilayan ang nangyayari, pagnilayan ang pagkatao, pagnilayan ang patutunguhan natin.

Noong bata pa ako, pagkakataon ang Semana Santa upang italaga ang aking sarili sa pagninilay. Wala pang internet at smartphone noon. Wala pa ang mga nakalilibang na gadgets, cable, at naglalakihang telebisyon. Kung may telebisyon man, naaalala ba ninyo na limitado ang mapapanood? Na walang palabas mula Biyernes Santo at Sabado de Gloria? Magbubukas na lamang ang mga estasyon ng telebisyon kapag Linggo ng Pagkabuhay.

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Ngayon, mahirap nang magnilay. Mahirap mag-isip nang taimtim dahil sa dami ng abala at kumukuha ng ating atensyon. Kahit na limitado ang ating kilos, kahit na nabawasan ang kalayaan nating maglakbay, kahit pa nakaamba ang panganib, parang kay hirap nang magnilay. Pero naniniwala akong lubha itong kailangan ngayon. Kailangan natin. Lalo na ng mga taong inatasan para pagsilbihan tayo.

Ano ba ang dahilan ng lahat ng ito? Itong pagkalat ng sakit? May tagong kahulugan bang makukuha tayo sa pandemyang ito? Masarap pagnilayan ang mga tanong na iyan ngayon.

Sa pagninilay, mas lilinaw sa atin ang mga bagay-bagay. Mas makikilala natin ang ating sarili. Mas mauusig natin ang ating maling gawa para hindi na maulit muli. Sa pagninilay maaaring maunawaan mo ang silbi mo sa kapwa.

Sana maibalik natin ang mahahalagang sandali ng pagninilay. Hindi iyong lagi na lamang nakaasa sa teknolohiya, lagi na lamang nakatuon sa panadaliang libangan ang atensyon. Magnilay, kahit man lang ngayon.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.