Una sa Balita

Pagnanakaw at pakikialam ng China

By
0 924

Nakababahala ang mga na­ging pahayag ni Pangulong Duterte kamakailan kung saan sinabi niyang hindi raw papayag ang China lalo na si Chinese President Xi Jinping na matanggal siya sa puwesto.

Ngayon mas malinaw na sa mga Filipino kung bakit kahit na anong gawing paglabag ng China sa ating sobe­ranya at mga karapatan sa West Philippine Sea ay nananatiling tahimik ang Pangulo.

Kapalit ng pananahimik sa mga ginagawa ng China ay sisiguraduhin umano ang pananatili ni Duterte sa puwesto.

Nakakatakot dahil habang sinasakop tayo unti-unti ng China at ibinabaon tayo sa kanilang pautang, direkta pa silang nakikialam sa internal affairs ng ating bansa. Walang bansa, kahit na ang Amerika ang puwedeng makialam sa internal affairs ng Pilipinas. Mismong si Duterte pa nga ang nagpahayag nito.

Ngunit, sa rebelas­yon mismo ni Duterte, tila ba nakikialam ang China sa usaping politikal sa ating bansa.

Lalo tayo dapat matakot dahil may mga pagkilos ngayon ang administrasyon na am­yendahan ang Saligang Batas at palitan ng sistema ng gobyerno para magtagal pa siya sa puwesto.

Hindi malabong kasama rin sa dikta ng China na amyendahan ang Saligang Batas para magtagal pa si Duterte bilang Pangulo at para walang maging balakid sa patuloy nilang pang-aagaw ng ating mga teritoryo.

Kinakailangan ding amyendahan ang Saligang Batas upang mabago ang mga probisyon ukol sa foreign ownership ng mga kompanya dito sa atin. Siguradong kapag ito ay natuloy, maglilipana ang mga Chinese na kompanya imbes na mga Filipino ang mga magmamay-ari.

Ang pag-amyenda lang sa Saligang Batas ang puwedeng magpatagal kay Duterte sa kapangyarihan dahil isang termino lang ang ibinigay na pagkakataon ng 1987 Constitution para maging Pangulo ng bansa. Sa kabila ng pagsisiguro ng Malacañang na walang magiging pagpapalawig ng termino ni Duterte kapag naamyendahan ang Saligang Batas, marami ang hindi naniniwala rito at talagang nababahala. Hindi rin naman natin masisisi ang mga nagdududa sapagkat ilang beses na ba harapang nagsinungaling si Duterte sa taumbayan?

Kitang-kita rin ang interes ng China sa pagpapanatili kay Duterte sa puwesto dahil kapag ang puma­lit na pangulo ay mas magiging matapang sa China, siguradong mapupurnada ang mga susunod na hakbang ng China na angkinin ang ating mga teritoryo. Kaya dapat lalo tayong magbantay dahil baka direktang nadidiktahan na talaga ng China ang ating Pangulo para magawa nila ang lahat ng kagustuhan nila sa West Philippine Sea.

Huwag tayong pumayag na pakialamanan tayo ng ibang bansa at lalong huwag nating hayaan na sakupin na lamang tayo dahil lang sa kaduwagan at pansariling interes ng iisang tao.