Una sa Balita

Paglilinaw sa pangalan ng Katipunan

By
0 204

Minsan ay nag-uusap kami ni Jim Richardson, eksperto sa mga dokumentong tungkol sa Katipunan, kung ano ba talaga ang buong pangalan ng Katipunan ayon sa mga orihinal na dokumento ng organisasyon. Ang katawagan nga na Katipunan ay na­ngangahulugan na ‘samahan’, dahil ang Katipunan ay mula sa salitang ‘tipon’ (Katipunan – tinipon na mga tao). Kahit ang Liga Filipina ay tinatawag na ‘Katipunan’ kaya marahil madaling naisangkot si Rizal sa himagsikan na na­ging sanhi naman ng hatol na kamatayan at pagbaril sa kanya.

Karamihan nang nakasulat sa mga orihinal na manuskrito ay KKKNMANB. Sa nakalimbag na bersyon ng Kartilya ng Katipunan ay nakalagay lamang na KATIPUNAN ng mga ANB. Alam natin na Anak ng Bayan ang ANB ayon sa ibang dokumento ngunit misteryo kung bakit hindi nailagay ang kahulugan ng mismong KKK.

Sa mga aklat, iba-iba ang kahulugan ng KKK. Ang isa ay Kataas-taasang Kagalang-gala­NGANG Katipunan at sa iba naman ay Kataas-taasang Kagalang-galan NA Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Bagama’t mas mara­­ming gumagamit noong una.

Pero kahit noong Grade 4 ako, na-feel ko nang awkward ang salitang KAGALANG-GALANGAN kasi parang wala akong na-encounter na ganung salita. Parang superlative o pinakamataas na iginagalang na ang Kagalang-galangan.

Related Posts

Siguro, may pagkalito sa mga kasapi mismo ng Katipunan ang kahulugan ng KKK dahil hindi talaga ito binabanggit sa dokumento upang mapanatili itong lihim sa mga espiyang Espanyol. Sa katunayan, minsang ipinakita sa akin ni Dr. Rene Escalante na ngayon ay taga-pangulo ng National Historical Commission of the Philippines ang mga ulat ng mga espiyang Espanyol sa ‘Cuerpo de Vigilancia’, na ang nakasulat na kahulugan ng KKK ay ‘Kataas-taasan Katipunan Katagalugan’. Nakakaloka.

Posible rin na dahil hindi nga inii-spell out ito, iba-ibang pangalan ang naulinigan ng mga kasapi.

Ngunit may clue na ibinibigay sa atin ang isang dokumento na isinulat noong pinaplano pa lamang itatag ang Katipunan. Bago sila pormal na itatag noong Hulyo 7, 1892, mayroon na silang konstitusyon na natagpuan sa Archivo General Militar de Mad­rid na pinamagatang ‘Kasaysayan; Pinagkasunduan; Mga dakilang kautusan’ na inilathala ni Richardson sa kanyang aklat na ‘The Light of Liberty’. Tinawag ang Katipunan na ‘kagalang-galang na kataas-taasang Katipunan’.

Kaya ang aking proposal ay itama ang kahulugan ng KKK bilang Kataas-taasang, Kagalang-galang NA Katipunan ng mga Anak ng Bayan.