Una sa Balita

Paglilinaw sa pagkakatatag ng Katipunan

By
0 336

Nitong nakaraang Hulyo 7 ay ginunita natin ang ika-126 na guning taong pagkakatatag ng sama­hang Katipunan ni Andres Bonifacio.

Sa una, akala natin ay reaksyon sa pagkakabuwag ng La Liga Filipina at pag-aresto kay Rizal ang pagkakatatag ng KKK noong Hulyo 7, 1892, pero noong Enero 1892 pa lamang ay mayroon na silang konstitusyon na natagpuan sa Archivo General Militar de Madrid na pinamagatang ‘Casaysayan; Pinagcasundoan; Manga daquilang cautosan’ na inilathala ni Jim Richardson sa kanyang aklat na ‘The Light of Liberty.’ Ayon sa dokumento, radikal na ang tunguhin ng samahan: “Isinasaysay na ang mga Kapuluang ito ay humihiwalay sa [Espanya] magbuhat sa araw na ito at walang kini-kilala at kikilalanin pang Puno at makapangyayari kundi itong Kataas-taasang Katipunan.” Nais na nitong maging pamahalaan.
Samakatuwid, ang naganap noong Hulyo 7, 1892 ay isang pormal na pagtatag na lamang sapagkat matagal na itong pinaplano. At kung sakaling magwagi ang himagsikan, intensyon nilang maging pinuno at nakapangyayari bilang isang pambansang pamahalaan.

Doon, sa gabing iyon nang pormal na pagtatatag kasama sina Deodato Arellano, Ladislao Diwa, Teodoro Plata, Valentin Diaz, Jose Dizon, at Briccio Pantas sa bahay paupahan ni Arellano sa 72 Azcarraga Street na ngayon ay Claro M.
Recto malapit sa Elcano Street, nagbigay raw ng talumpati si Andres Bonifacio na pagdating ng panahon ay ilalathala ni Pascual Poblete noong 1909 sa kanyang ‘Buhay at Mga Ginawa ni Dr. Jose Rizal’ na ipinalimbag pa ng kapatid ni Rizal na si Neneng Rizal. Ito ang teksto ng talumpati:

‘Mga Kapatid: Tayo’y di mga pantas, kaya hindi mariringgal na talumpati at ‘di maririkit na sulat ang ating idaraos; sa gawa natin daanin: ang katubusa’y hindi nakukuha sa salita o sa sulat; kinakamtan [ito] sa pagsasabog ng dugo. Talastas na ninyo ang kalupitang ginawa sa ating kapatid na si Dr. Rizal, iya’y maliwanag na halimbawang nagpapakilala sa ating ‘di tayo makaliligtas sa kaalipinan kung ‘di daraanin sa pakikibaka. Sukat na ang pagpapakababa! Sukat na ang pangganggatuwiran! Nangatuwiran si Rizal [ngunit siya] ay hinuli pagkatapos na mapag-usig ang mga magulang, kapatid, kinamag-anakan at kakampi! Sukat na! Papagsalitain natin naman ang sandata! Na tayo’y pag-uusigin, mabibilanggo, ipatatapon, papatayin? Hindi dapat nating ipanglumo ang lahat ng ito, mabuti pa nga ang tayo’y mamatay kaysa manatili sa pagkabusabos. At ng maganap natin ang dakilang kadahilanan ng pagpupulong nating ito’y ating maitayo ang isang malakas, matibay at makapangyarihang Katipunan ng mga anak ng Bayan. Mabuhay ang Pilipinas!!!”