Una sa Balita

Paglikida sa BuCor official konektado sa GCTA scam

0 293

INIHAYAG ni Justice Secretary Menardo Guevarra na konektado sa kontrobersiya ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang pagkamatay ng suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) legal chief Fredric Santos.

Ayon kay Guevarra, isinasailalim pa sa imbestigasyon ang pagpaslang kay Santos pero natitiyak niya na may kinalaman ito sa GCTA.

Sinabi ni Guevarra na inatasan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpaslang kay Santos.

Magugunita na susunduin ni Santos ang kanyang anak sa paaralan sakay ng kanyang SUV nang pagbabarilin ng dalawang suspek na riding-in-tandem, may 100 metro ang layo sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Sinabi naman ng anak ni Santos na wala silang alam na banta sa buhay ng kanyang ama.

Samantala, sinabi ng Muntinlupa Police Office na hawak na nila ang footage mula sa dashcam na naka-install sa sasakyan ni Santos.

Nalaman na si Santos ay sinuspinde ng anim na buwan ng Ombudsman noong Setyembre 2019 dahil sa umano’y misapplication nito ng batas na sumasakop sa GCTA at iba pang time credits sa mga bilanggo.

Naging resource person din siya sa imbestigasyon sa GCTA kaugnay sa pagbenipisyo ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa GCTA. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More