Una sa Balita

Paglikha ng trabaho, bigyang-diin sa SONA

By
0 384

Mula po sa panahon ng Katipunan hanggang sa kasalukuyan, ang State of the Nation Address o SONA ang nagsilbing pamamaraan upang maiparating ng lider ng ating bansa ang kalagayan ng bayan sa mamamayan.

Subalit bago po uma­bot sa mga titik ng Saligang Batas ng 1987 ang SONA, una na po itong tinawag na SOKA (State of the Katipunan Address), SORNA (State of the Revolutionary Nation Address), SOPIA (State of the Philippine Islands Address), at SOCGA (State of the Commonwealth Government Address).

Nagkaroon man po ito ng iba’t ibang bansag, hindi naman po nagbago ang layunin ng SONA – iulat sa bayan ang mga nagawa at gagawin pa ng pamahalaan tungo sa pambansang kaunlaran.

Marami pong aspekto ang usaping pangkaunlaran, at lahat ng ito’y may tuwirang kaugnayan sa mga manggagawang Filipino.

Kaya isang pambihirang pagkakataon po ang SONA para maiparating sa ating mga manggagawa ang plano ng pamahalaan upang tiyakin ang disente, matatag at ligtas na trabaho sa bansa.

Sa huling Labor Force Survey, lumabas po na mahigit 44 na mil­yon ang bilang ng mga Filipinong nasa labor force at nagtatrabaho sa services sector (56%), agrikultura (26%), at industriya (18%) tulad ng BPO, tourism, atbp.

Ang malaking bilang pong ito ng mga obrero, kasama ang ating mga OFW, ang magpapausad sa programang pang-impraestruktura o ‘Build, Build, Build’ at magtitiyak na makakasabay ang Pilipinas sa pagsulong ng ASEAN.

Ilang ulit din pong sumentro sa human development, lalo na sa education at training ang mga SONA noon, sapagkat kritikal po talaga ang pagpapasigla ng lakas-paggawa para dumami ang oportunidad para sa ating kababayan.

Ito po ang dahilan kung bakit tinuturing nating malaking hakbang ang pagpasa sa Senado ng sinusulong nating ‘Tulong-Trabaho Bill’ (SB 1431) sa pag-aangat ng kasanayan ng ating mga manggagawa at pagbibigay ng solusyon sa problema ng unemployment underemployment sa bansa.

Inaasahan po nating muling bibigyang-pansin ang competitiveness ng mga Filipino at paglikha ng trabaho sa ikatlong SONA ng ating Pangulo.

Nakikiisa rin po tayo sa panawagan na i-certify na urgent ng ating Pangulo ang ‘End of ENDO Bill’ na nakabinbin sa Kongreso at igiit ang polisiya ng direct employment sa ating labor standards.

Tinitiyak naman po nating makakatulong ang sinusulong nating batas sa Senado (SB 1826) sa pagpapatatag ng mga negosyo at magbibigay proteksiyon din ito sa Micro and Small Enterprises (MSEs).

Umaasa rin po tayo sa agarang pagpapatupad ng ‘Occupational Safety and Health Standards Bill’ (SB 1317) na ating isinulong sa Senado. Pasado na po ito sa Kongreso at hinihintay na lang ang lagda ng Pangulo para ganap itong maging batas.

Importante pong maipatupad ang OSHS dahil kung ligtas at malusog ang ating mga manggagawa, mas magiging maayos ang kanilang trabaho, mas lalago ang negosyo, mas lalakas ang ekonomiya ng bansa.

Ang SONA po ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng Malacañang at Kongreso upang maisulong ang mga panukalang batas at prog­ramang magtatanggol at mangangalaga sa manggagawang Filipino at lumikha ng marami at magagandang trabaho dito sa bansa.

Dalangin po nating maging maayos, mapaya­pa at makabuluhan ang pagdaraos ng Sate of the Nation Address (SONA).

Makiisa po tayo at makialam sa pagpapaunlad ng ating minamahal na bayan.

Job Fair Schedule
Aglipay Fiesta Job Fair
Municipal Hall, Aglipay, Quirino
July 26
Porac Job Fair
Jose Songco Convention and Civic Center
Cangatba, Porac, Pampanga
July 27
Job Fair at the South
Activity Center, Ro­binsons Place, Las Piñas
August 7-8, 2018
(senatorjoelvilla­nueva@yahoo.com)