Una sa Balita

Paglago ng pangarap sa Agutaya, Palawan

By
0 893

Simula pa lang ng ating kuwentuhan, paulit-ulit nating pinag-uusapan ang layunin ng Angat Buhay ng Office of the Vice President.

Sa pamumuno ni VP Leni Robredo, patuloy nating inaabot ang pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na mga komunidad sa buong Pilipinas para matulungan ang ating kababayang hirap sa buhay. Isa na rito ang bayan ng Agutaya sa Palawan.

Kulang ang isang araw para marating ang Agutaya mula Maynila. Lahat ata ng modes of transportation kailangan mong sakyan para marating ang isla. Pero pagdating mo doon, sulit na sulit naman ang iyong biyahe.

Napakaganda ng bayan — napakasimple at tahimik, ‘di gaya ng mga nakasanayan natin sa siyudad na traffic at masikip. Pero sa kabila ng kagandahan ng paligid, ramdam mo rin ang hirap ng buhay sa maliit na islang ito.

Sa loob ng dalawang taon ng programang Angat Buhay ni VP Leni, ikaapat nang pagbisita ng aming team nitong nakaraang linggo.

Binabalik-balikan namin ang Agutaya dahil kitang-kita ang napakara­ming pangangailangan ng ating kababayan doon. Mga basic necessity tulad ng kuryente at tubig, hirap silang makakuha. Lalo pa ang mga serbis­yong pang-edukasyon, pangkalusugan, pangkabuhayan at iba pa.

Sa pagbalik ng aming team sa Agutaya, nakapagdala kami ng tulong para makagawa ng water pump, motorized boats ulit para sa mga seaweed (o tambalang) farmer, at solar kits para sa Brgy. Algeciras.

Sa pagdalaw naming ito, kinausap rin namin muli si tatay Rolando Manzo. Isa siya sa mga benepisyaryong nakatanggap ng bangka noong nakaraang taon. Talagang bahagi ng aming pagbisita ang pagkumusta sa mga benepisyaryo para ma­laman kung ano ang pagbabago sa kanilang mga pamumuhay.

Hunyo noong isang taon nang magkaroon si tatay Rolando ng sa­riling bangka. Ito ang kanyang ginagamit para sa seaweed farming at pangingisda, pati na rin sa paghatid sa kanyang mga anak at apo sa eskuwelahan sa karating isla.

Dahil sa maliit na bangka, hindi na kinailangang manghiram o makisabay ni tatay Rolando sa ibang mangingisda. Hindi na rin niya kailangang makihati sa kita, at naibibigay nang buong-buo sa kanyang pamilya ang pinaghirapan buong araw. At matapos ang isang taon, malaki pang lalo ang pagbabago sa buhay ni tatay Rolando.

Isa lang ang kuwento ni tatay Rolando sa napakarami pang mga Filipinong dati’y hirap na hirap sa buhay, at ngayo’y matapang nang nakaharap sa mas maliwanag na bukas.

At nakakapawi ng pagod malaman na isa ang Angat Buhay ni VP Leni sa nakakapagbigay ng ganitong klaseng tulong sa ating kababa­yan — na maliban sa pisikal na ayuda, pati pangarap naaalalayan nating lumago.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Rob­redo. Siya rin ang namumuno sa A­ngat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pri­badong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.