Una sa Balita

Paglaglag ni Erap, tanggap ni JV

By
0 648

UMAASA si Sen. JV Ejercito na darating ang panahon na magkakaintindihan silang muli ng amang si dating Pa­ngulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada matapos siyang ilaglag sa listahan ng mga kandidatong susuportahan sa darating na senatorial elections.

Sinabi ni Ejercito na mataas ang kanyang res­peto sa alkalde at hindi ito mabubura ng kahit anong intriga.

“I have the highest res­pect for my father who has given me so much in life. Ito ang dahilan kung bakit inalagaan at sinikap kong maging malinis ang pangalan niya sa mahigit dalawang dekada kong paglingkod sa bayan,” diin ni Ejercito.

“Pinalaki ako ng aking ama bilang isang taong may kakayanang mag-isip para sa sarili. Balang araw, kapag kami ay nagkausap na, alam kong mawawala din ang a­ming hindi pagkakaintindihan,” dagdag nito.

Una rito, hindi kasama ang pangalan ni Ejercito sa mga inendorsong senatoriable ni Erap na kinabibilangan nina da­ting Senador Juan Ponce Enrile, dating Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Bong Revilla, Senador Grace Poe, Senador Nancy Binay at Gov. Imee Marcos.

Binigyang-diin pa ni Ejercito na hindi ang intriga sa kanilang pamilya ang dapat na pagtuunan ng pansin kundi ang mga isyu ngayon sa bayan.

“Kahit anong intriga ang ibato ng iba, tatay ko pa rin siya at ako ay anak niya. Hindi itong mga intriga na ito ang dapat nating pag-aksayahan ng panahon,” giit pa ni Ejercito.

“Ang dapat nating tutukan ay kung paano natin matutulungan ang pamilyang Pilipino makamit ang ginhawa sa buhay. Iyan ang gusto kong pag-usapan – edukasyon, kalusugan, pabahay at trabaho,” pahayag pa ng senador.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy