Una sa Balita

Pagkitil nga ba sa press freedom ang libel case?

0 489

May ilang mamamahayag at ilang grupo ang sumi­sigaw na isang uri ng pagkitil sa press freedom o kalayaan sa pamamahayag kaugnay ng pag-aresto kay Rappler Chief Maria Ressa at reporter nito.

Idinidikit ang kasong cyber libel laban kay Ressa sa pagkitil sa press freedom na ibinibintang kay Pangulong Rodrigo Duterte.  

Sa aking pananaw bilang beteranong mamamahayag ay hindi maa­ring idikit ang isyu ng pagkitil sa press freedom ng Duterte administration.

Ang naghain ng cyber libel case ay ang negosyanteng si Wilfredo Keng na isang pribado at hindi naman mismo si Pangulong Duterte o sinumang opisyal ng gobyerno.

Maaring maituring na pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag ang kaso ni Ressa kung si Pangulong Duterte ang nagsampa ng kaso o pamilya nito dahil maa­ring sabihin na maimpluwensiyahan ang desisyon sa korte.

25 taon na akong mamamahayag at marami tayong kaibigan sa media ang nasampahan ng kasong libelo ng pribadong mamayan at maging ng opisyal ng gobyerno pero tahimik naman itong hinarap ang kaso taliwas sa ginagawa ngayon ni Ms. Ressa.

Sa aking araw-araw ng Radio program sa DZXL 558 kHz alas-9:00-alas-11:10 nang umaga ay madalas kong batikusin mismo si Pa­ngulong Duterte at ang kanyang administrasyon sa mga isyung sa aking pananaw ay apektado ang masang Pilipino.

Isa sa madalas kong batikusin ang TRAIN Law o dagdag pataw na buwis at ang polisiya ng Pangulo sa West Philippine Sea.

Pero sa pagkakataong ito bilang responsableng mamamahayag ay mahirap namang idikit ang salitang pagkitil sa press freedom ang kaso ni Ms. Ressa dahil hanggang sa ngayon ay maari pa rin akong bumatikos sa Pangulo at kanyang administrasyon sa a­king Radio program at sa aking kolum sa paha­yagang ito na wala naman akong naririnig na paninita mula sa Malacañang o taong gobyerno.

Masasabi nating may pagkitil sa pamamaha­yag kung ipapasara ni Pangulong Duterte ang mga pahayagan, radyo at telebisyon na bumabatikos sa administrasyon at ipakukulong ang mga kritiko pero ‘yan ay hindi pa naman nangyayari kaya’t sa aking pananaw ay walang pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag. sa ngayon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy