Una sa Balita

Pagkilala at pagtatanggol sa dangal ng ating mga manggagawa

0 614

Sa Miyerkules ay Mayo Uno na naman po, isang araw nang pag-alala sa kahalagahan ng paggawa. Araw po ito upang ating kilalanin ang dangal ng manggagawang Pilipino.

Hindi po matatawaran ang kanilang kontribusyon, lalo na po ang ating mga OFWs, sa pagpapaimbulog ng ating ekonomiya at pagpapatatag ng pamilyang Pilipino.

Ito po ang dahilan kung bakit noon pa man ay itinuring ko nang personal na adbokasiya ang kilalanin, pahalagahan at ipaglaban ang karapatan ng ating mga manggagawa.

Sa pamamagitan po ng ating mga panukala na ganap nang mga batas ngayon, patuloy po tayong lumilikha ng mga oportunidad at trabaho para sa manggagawang Pilipino.

Isa po sa pinakabago at matibay na halimbawa nito ang naisabatas nang “Tulong- Trabaho Act” o Republic Act 11230 na naglalayong bigyang tulong ang mga naghahanap pa lamang ng trabaho gayundin ang mga nagnanais dagdagan ang taglay nilang kakayahan.

Para po sa mga bagong graduate, hangad nating pagaanin ang pasaning kaakibat ng pagiging first time job seeker sa pamamagitan ng pagtatanggal ng bayarin sa pagkuha ng kailangang dokumento sa pag-aaplay sa trabaho tulad ng NBI Clearance at Birth Certificate sa tulong ng “First-Time Jobseekers Act”.

Salamat din po dahil sa isinulong nating “Telecommuting Act” o RA 11165 ay naging isa nang lehitimong karagdagang pamamaraan sa pagtatrabaho ang telecommuting kung saan binibigyan ng pantay na proteksyon ang mga empleyadong tinatawag na “work from home”.

Dahil sa naganap na mga lindol, lalo pong tumaas ang halaga ng inakda nating batas, ang “Occupational Safety and Health Standards (OSHS) Law” o RA 11058, para tiyaking ligtas ang lahat ng mga manggagawa ordinaryong araw man o may sakuna.

Ngayong Mayo Uno, may 29 na job fair po ang gaganapin sa buong bansa kung saan mahigit 1,500 employer ang mag-aalok ng aabot sa 200,000 trabaho. Dadaluhan po natin ang Trabaho at Negosyo Caravan sa San Fernando, Pampanga.

Titiyakin po natin na lahat ng mga inaalok na trabaho ay disente at permanente sa pamamagitan ng pagtuldok sa mga umiiral na mga unfair labor practice.

Katuwang ang buong Senado, sinisikap po natin na sa ilang linggong natitira bago magsara ang 17th Congress ay maipasa at maisabatas ang “Security of Tenure Bill” na “certified as urgent” po ng Pangulo.

Patuloy po nating kilalanin, pahalagahan, at ipagtanggol ang dangal sa paggawa at ang dignidad ng ating mga manggagawa.

Maligayang Araw ng Paggawa. Mabuhay ang manggagawang Pilipino!

Job Fair Schedule

Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) Job Fair San Fernando, CamSur

April 29
PESO Bulacan Job Fair Malolos City, Bulacan April 30

DOLE Job Fair
San Fernando Pampanga May 1
Para sa kumpletong listahan ng Job Fairs ngayong Labor Day, i-search lamang po sa internet anghttps://philjobnet.gov.ph/jobfair- schedule.

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy