Una sa Balita

Pagkatapos ng halalan

0 430

Harry Roque

Gaya nga ng sabi nila, nangyari na ang nangyari.

Matapos ang ilang linggong puspusang pangangampanya at dibdibang debate ng ating mga kandidato para sa midterm elections, nasaksihan na natin ang resulta ng pinili ng taumbayan, naaayon man ito sa kagustuhan natin o hindi. Ang mga taong ito na inihalal ng publiko ang siyang mamumuno sa mga posisyong lokal at nasyunal sa susunod na lima o higit pang taon.

Bagamat ang mga taong tumulong sa eleksyon at maging ang mga kandidato ay makakahinga na nang lubos pagkatapos ng pag-anunsyo ng mga nagsipagwagi, kaila­ngan nating alalahanin na sa pagkakataong ito pa lamang magsisimula ang totoong trabaho.

Pakalipas ng ilang linggo mula ngayon, ang mga nagsipagwa­ging kandidato ay mauupo na sa kani-kanilang pwesto at mag-uumpisa na sa pagtupad ng kanilang mga ipina­ngako noong kasagsagan ng eleksyon na siyang dahilan kung bakit sila ang pinili ng taumbayan.

Related Posts

At dito ko gustong paalalahanan ang aking mga minamahal na tagasubaybay at mambabasa kung sakaling hindi niyo pa ito napag-iisipan: na ang mas malaking res­ponsibilidad ay hindi naka-atang lamang sa mga opisyal na nahalal kundi pati na rin sa ating lahat na Pilipino.

Madalas ay nakakalimutan natin na ang ating responsibilidad ay hindi lamang natatapos o nag-uumpisa tuwing darating ang halalan. Ang kanya kanya nating responsibilidad ay hindi natatapos sa pagboto lamang.

Bilang mga mamamayan ng bansang ito, kinakailangang maging parte tayo sa bawat desisyon na gagawin ng ating mga lider. Kinakailangan din maging masikhay tayo sa pagpapanagot sa ating mga inihalal kung nagagawa ba nila ang kanilang mga ipina­ngako o hindi. Kasama na rin dito kung naging epektibo ba silang lider o hindi. Higit kailanman, alalahanin natin na kailangan din ng ating mga inihalal ang ating tulong bilang mga stakeholder ng gobyerno.

Sa bawat halalan, mayroong mga natatalo. Hindi natin ito maiiwasan. Ngunit kahit gaano man ito kasakit para sa atin at sa mga adbokasiya na gusto nating makamit, hindi ito nangangahulugang hindi na maisasakatuparan ang mga ito. Maaari pa rin itong itaguyod at ipagpatuloy kung ito ay para sa kabutihan ng nakararami – kakampi man o hindi.

Natapos man ang halalan ngunit hindi natatapos ang ating gampanin sa simpleng pagboto lamang at sa kung ano ang itinatak sa ating mga daliri. Lahat tayo ay may kanya kanyang gampanin sa pamumuno.

Dapat pa­tuloy ang ating panawagan para sa mas makabuluhang pagsisilbi at masaganang buhay para sa bawat Pilipino. At higit na kailangan ang pagbabagong nakaangla sa sarili. Gaya nga ng sinabi ni Mahatma Gandhi: “be the change you wish to see in the world.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy