Una sa Balita

Pagkamatay ng kadete iimbestigahan ng PMA

0 270

Patay ang isang kadete ng Philippine Mi­litary Academy (PMA) matapos itong isugod sa pagamutan dahil sa pagsusuka nitong Miyerkoles nang mada­ling-araw sa Fort Del Pilar sa Baguio City.

Kinilala ang nasa­wing biktima na si Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio, 20-anyos, tubong Cagayan De Oro City at kabilang sa PMA Class 2023 kasama ang 389 na iba pang kadete.

Base sa ulat ng Baguio City Police Office mula sa nakuhang impormasyon sa pamunuan ng PMA, ala-una nang madaling-araw nitong Miyerkoles nang magsimulang magsuka si Dormitorio sa kanilang barracks at idi­nadaing ang pana­nakit ng tiyan.

Alas-kuwatro na nang madaling-araw nang isugod ito sa PMA Station Hospital subalit pagsapit ng alas-5:15 nang madaling-araw ay dineklara itong patay ni Cpt. Florence Apple Apostol, isang doktor sa PMA Station.

Base sa initial fin­dings ni Dr. Apostol, cardiac arrest secon­dary to internal hemorrhage ang ikinamatay ng kadete.

Samantala, ayaw namang magbigay ng anumang detalye ang pamunuan ng PMA hinggil sa pagkamatay ni Dormitorio.

Gayunman sa statement na inilabas ni Major Reynan Afan, acting chief ng Public Affairs Office ng PMA, patuloy ang kanilang ginaga­wang imbestigasyon upang malaman kung ano ang sanhi at iba pang detalye ng pagkamatay ni Dormitorio.

“Investigation is still ongoing to ascertain the cause and details of his (Dormitorio) death. PMA assures the public that every cadet’s overall well being is constantly and systematically being considered in every aspect of education ang training,” pahayag ni Afan sa inilabas nitong statement sa media kahapon. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy