Una sa Balita

Pagkalas sa ICC, may epekto sa WPS territorial dispute – Carpio

By
0 464

DAHIL sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute of the International Criminal Court (ICC), nababahala si Acting Chief Justice Antonio Carpio na wala nang matatakbuhan ang Pilipinas sakaling kubkubin ng China ang Pag-asa Island o mga teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Sa oral arguments kahapon, inihayag ni Carpio ang Kampala Amendments na maari ng idulog sa ICC ang Crime of Aggression.

Sa ilalim ng Kampala Amendments, tinukoy kung anu-ano ang maaring ituring bilang ng “crime of aggression” at kasama rito ang pagsakop at pambobom­ba sa isang estado; pagharang sa mga pantalan o coastline ng isang estado; at paglulunsad ng atake, sa himpapawid, sa lupa o dagat laban sa isang estado.

Pero dahil aniya sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC na magkakabisa sa Marso 15, 2019, hindi na maaring dumulog ang Pilipinas sakaling may mangyaring “crime of aggression” sa West Philippine sea.

Tugon naman ni Solicitor Gene­ral Jose Calida, mayroon pa namang ibang international law na maaring magamit ang Pilipinas sakaling may mangyaring crime of aggression sa ating teritoryo.

Gayunman, hindi naman agad na natukoy ni Calida kung ano pa ang mga international law na maaring gamitin ng Pilipinas sakaling maganap ang crime of aggression sa West Philippine Sea.

Dahil dito, inabisuhan na lamang siya na isama ito sa isusumiteng memorandum.

Sa ilalim ng nasabing amyenda, sakop lamang ng hurisdiksyon ng ICC ang mga estado na nagratipika ng amyenda.

Sa pinakahuling tala, nabatid na hindi pa kasama sa 37 state parties na nagratipika sa Kampala Amendments ang China at Pilipinas.