Una sa Balita

Pagkakaisa ng mga Pinoy kailangan kontra HIV-AIDS

0 339

Tinatayang 35 na Pilipino ang tinatamaan ng human immunodeficiency virus (HIV) kada araw. Na­kababahala ito dahil sa buong mundo, pababa na ang numero ng mga bagong kaso ng impeksiyon ng HIV samantalang sa atin ay pataas. Ayon sa mga datos, ang Pilipinas ngayon ang may pinakamabilis at pinakamataas na kaso ng HIV sa buong Asia Pacific Region.

Mahigit isang libong kaso ang bagong naitala kamakailan lang at aabot ng mahigit 7,000 na ang mayroong HIV sa bansa. Humigit-kumulang 199 dito ang mayroon ng acquired immune deficiency syndrome (AIDS).

Nitong Disyembre 1 ay ginunita sa buong mundo ang World AIDS Day. Dito sa Pilipinas, hindi natatapos sa taunang paggunita ang ating laban kontra HIV-AIDS. Ngayon, higit kailanman, ay kaila­ngan natin ang tulong ng bawat isa upang masugpo ang paglaganap ng sakit na ito. Sama-sama nating puksain ang mga maling paniniwala at ang mga kamangmangan tungkol sa kalusugan upang mabigyan natin ng tamang impormasyon ang ating buong komunidad. Sa pagkakaroon ng tamang impormasyon at edukasyon tungkol sa HIV-AIDS, magkakaroon ng tamang kaalaman ang ating kabataan, mga magulang at maging mga guro tungkol sa pag-iwas sa sakit na ito.

Kung pagbabasehan ang datos ng ating gobyerno at ng mga international organization, 31 porsiyento ng mga natamaan ng HIV ay mga kabataan na nasa edad 15 hanggang 24. Ang edad ng mga biktimang ito ay edad ng mga nag-aaral pa at nangangarap ng magandang buhay sa hinaharap.

Dahil maraming kabataang Pilipino ang nagkakaroon ng HIV, nangangahulugan ito ng mas malaking papel na kailangang gampa­nan ng buong pamilya, mga guro, counselor at healthcare provider upang ma-check natin ang pataas na datos ng HIV sa ating bansa. Kailangan natin ang pagtutulungan — ang bayanihan o sama-samang pagkilos upang mapigilan natin ang paglobo ng sakit na ito lalong-lalo na sa ating kabataan.

Huwag na­ting hayaang mas dumami pa ang kabataan na mahulog sa bitag ng HIV-AIDS.

Bilang pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11166 (Philippine HIV and AIDS Policy Law) sa Senado, ang pagpasa ng nasabing batas ay tumatawag sa mabilisang aksiyon at mas epektibong implementas­yon ng mga programa upang malunasan ang pagdami ng kaso ng HIV-AIDS sa bansa.

Muli akong nanawagan sa ating mga kaibigan sa Department of Health (DOH) at sa iba pang ahensiya ng gobyerno na itodo na ang pagpapatupad ng dalawang mahalagang batas: Ang Philippine HIV and AIDS Policy Law at ang Reproductive Health Law upang mapuksa ang patuloy na paglobo ng mga kaso ng HIV sa Pilipinas.

Ang patuloy na pagtaas ng may mga HIV sa bansa ay hindi dapat ipagkibit-balikat. Dapat itong matugunan nang husto ng ating gobyerno dahil maraming kabataan ang tinatamaan ng virus na ito. Kailangan ng tamang impormasyon upang maalalayan ang ating mga kababayan upang maiwasan ang patuloy ng pagdami ng HIV infections. Ayudang pang­kalusugan naman ang dapat na ibinibigay sa mga natamaan nito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More