Una sa Balita

Pagkakaisa laban sa 2019 novel coronavirus

0 363

Ako lang ba o ramdam niyo rin na ang tagal bago natapos ng January?

Parang halos lahat ng puwedeng mangyari sa isang taon ay isiniksik lang sa isang buwan.

Hindi pa natatapos ang pagaalboroto ng Bulkang Taal pero naharap na agad tayo sa isa pang pagsubok: ang banta ng 2019 novel Coronavirus Acute Respiratory Disease (2019 nCov ARD) na isa nang Public Health Emergency of International Concern.

Patapos na sana ang January nang makumpirma ang kauna-una­hang kaso ng nCoV ARD sa bansa. Siya ay isang 38-anyos na ­babaeng Chinese. Mula ­Wuhan, lumipad siya ng Hong Kong at lumapag sa Cebu. Ang kasama ­niyang 44-anyos na la­laki ay hindi pinalad at naging kauna-unahang namatay sa nCoV sa Pilipinas, at sa labas ng Tsina. Nalulungkot ako sa nangyaring ito, pero mas nakakalungkot ang ilang comments na nababasa ko sa social media.

Sa isip ko, parang mas mabilis yatang kumalat ang diskriminasyon kaysa sa nCov. Ang pagsasagawa ng temporary travel ban ay hindi para mang-diskrimina ng mga Chinese o kung sino man na bumiyahe sa China. Ito ay para maihanda ng local health authorities ang kinakailangang safeguard measures para hindi na kumalat pa ang virus. Hindi tayo anti-Chinese.

Tayo ay anti-coronavirus. Dahil walang pinipiling edad, kasarian o estado sa buhay ang virus na ito. Kahit sino ay puwedeng mahawaan nito.

Humahanga ako sa frontliners natin, mga doktor, nurse at iba pang health worker na nakaduty at nagbabantay sa kondisyon ng mga confirmed cases at patient under investigation (PUIs). Lalo na ang Department of Health na siyang namamahala sa pagtugon sa public health emergency na ito.
Sigurado akong wala pa silang mga tulog.

Pero sapat ba ang task force na mayroon tayo ngayon? Bakit parang walang protocol o plano kapag may biglaang viral outbreak kahit na napagdaanan na natin ito noon sa MersCov at SARS?

Lumabas sa pagdinig ng Senate Committee on Health noong Martes na hindi pa nahahanap ang lahat ng mga pasahero ng airlines na posibleng nakasalamuha ng dalawang confirmed cases. Puwedeng namasyal pa sila kung saan-saan, dumami ang contact points.

Ang inaalala ko, hindi natin alam kung ilan na ang nakapasok sa bansa simula nang mag-lockdown ang Wuhan noong January 23 at bago ang China-wide travel ban natin noong February 2. Sampung araw ang pagitan non.

Ang ikatlong confirmed case nga, nakabalik na ng Tsina galing sa Cebu at Bohol.

Mandato ng DOH na ipatupad ang batas pagdating sa kalusugan ng publiko lalo pa sa mga ganitong public health emergencies lalo pa’t ito’y Public Health Emergency of International Concern na. Hindi na lang Pilipinas ang apektado kundi buong mundo.

Sa kabila nito, hi­ling kong mag-move on na muna tayo sa mga turuan o sisihan at bigyang-pansin kung paano ito ­masosolusyunan. ­Mungkahi ko na dapat magkaroon ng isang public health ­emergency authority na magpo­pokus sa pagtugon sakaling may biglaan o hindi inaasahang pagsulpot ng virus gaya ngayon.

Alamin din natin kung ilan at nasaan na ang mga nakapasok bago ang lock down at travel ban, lalo na yung mga galing Tsina sa naka­raang dalawa hanggang tatlong linggo. Dapat magkaroon ng ­mandatory reporting, i-monitor ang kanilang kalagayan at mabigyan ng angkop at sapat na healthcare interventions.

Huwag ding kalimutan ang ating “duty to care” na binigyang-diin din ng World Health Organization. Tungkulin nating alagaan ang ating sarili at ang isa’t isa. Pinoy man o dayuhan ang magkasakit dito, dapat ay handa tayong alagaan sila.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More