Una sa Balita

Pagkakaibigan ng 2 justice nasira, napalitan ng matinding tampuhan

0 671

Alam niyo bang malupit pala ang away ng malapit na magkaibigang associate justice na nag-ugat sa hirit na hindi napagbigyan.

Ayon sa aking bubwit, nagsolian na ng kandila ang magkumpareng justice na dahil sa tindi ng tampuhan ay hindi nagpapansinan kahit magkasalubong sila sa hallway o kaya’y magkasabay sa elevator ng Supreme Court.

Nagulat din ang maraming kakilala at mga common friend ng dalawang ma­histrado nang malaman ang tampuhan ng dalawa na kung dati rati’y sanggang-dikit aba’y biglang nagbago, nawala ang malapit na pagti­tinginan at napalitan ng walang kibuan, walang pansinan na akala mo’y hindi magkakilala. Ang iba naman nilang kakilala ay nakakaramdam at nahahalata na ang tampuhan ng dalawa.

Related Posts

Alam niyo ba ang ugat o rason ng tampuhan ng dalawang associate justice na da­ting malapit na magkaibigan pero ngayon ay hindi nagkikibuan? Ayon sa aking bubwit, ang dahilan ng nasi­rang pagtitinginan ng dalawang mahistrado ay pakiusap na hindi napagbigyan.

Isa sa dalawang justice ang tumayong chairperson ng kumite na namahala sa 2019 Bar Exams habang isang anak naman ng kanyang kumpare ay kumuha ng pagsusulit. Ayon sa aking bubwit, ipinakiusap ng justice na ama ng bar taker kung puwedeng ibaba ng kanyang kumpareng bar committee chairperson nang kaunti ang passing rate. Hindi napagbigyan ang hirit ni kumpare.

Ito ang naging simula ng pagtabang ng dati rati’y maganda at malapit na pagkakaibigan ng dalawang associate justice na ngayon ay tuluyan nang napalitan ng walang pansinan na animo’y hindi sila magkakilala.

Ang dalawang ma­histrado na nagsolian ng kandila dahil sa pa­kiusap na hindi napagbigyan ay kapwa GI o Genuine Ilocano.