Una sa Balita

Pagkain sa panahon ng COVID 19

0 389

Nabanggit ko na dati, na ako ay nag-invest sa piggery at strawberry farming. Bagama’t maliit lamang ang dalawang negosyo ko, naisip ko na ang pamumuhunan sa pagkain ay kapaki-pakinabang. Ito ang maliit kong ambag sa pagsusulong ng seguridad sa pagkain. Lugi ako sa parehong negosyo ngunit alam ko na kailangan ko itong ipagpatuloy. Wala ngayong namimili ng native organic lechon Cebu kaya ang higit sa 60 baboy na inaalagan ko sa Tanay, Rizal ay maaaring makatulong sa pangangailangan ng pagkain sa Metro Manila. Dahil dito kahit na wala akong kinikita ay ipinagpapatuloy kong panatilihing buhay at malusog ang mga organikong baboy.

Gusto kong liwanagin na naiintindihan ko na mahalagang ipatupad ang enhanced community quarantine na idineklara ng Pangulo sa buong Luzon. Kailangan nating pigilan ang pagtaas pa ng bilang ng mga nahawahan ng COVID 19. Ngunit ngayong araw ako ay nababahala dahil sabi ng tagapamahala ko ay hindi daw siya makakapunta sa farm. Pinigilan daw siya ng mga sundalo sa Baras, Rizal na ituloy ang pagpunta niya doon.

Dalawa lamang ang empleyado ko sa farm. Ang isa sa kanila ay taga Tanay mismo kaya naaasahan ko siya sa pananatili na buhay ang mga baboy. Dahil sa enhanced community quarantine wala ngayong mabili na organic feeds. Kailangan ko ng maraming tao na mangunguha ng mga gabi at madre de agua para may makain ang mga baboy. Naialok ko na sa ilang LGUs ang mga baboy kaya sa mga susunod na linggo ay maidadagdag nila ito sa pagkain na ipamamahagi nila. Ganun pa man ako ay nagaalala dahil kailangan ko talaga ng mas maraming tao na masisiguro na may kakainin ang mga baboy. Hindi kaya ng isang tao lamang na maghanap at manguha ng pagkain para sa higit na 60 baboy.

Sigurado ako na hindi lamang ako ang may ganitong problema. Kung ako na maliit na negosyante ay may problema higit pa dito siguro ang problema ng malalaking kompanya ng pagkain. Ang pinakamalaking problema ngayon ay hindi ang COVID 19 kundi ang gutom. Ito ay problema na maaaring iwasan kung gagamitin ng mga sundalo at mga gumagawa ng panuntunan ang common sense nila.

Tama si Secretary William Dar na kailangang magtalaga ng fast lane sa mga checkpoints para sa paghahatid ng pagkain. Napakahalaga nito. Ang pagkaantala nito ay siguradong magreresulta sa kakulangan ng pagkain na maaaring magdulot ng takot at gutom. Kailangan din ipaalam sa mga sundalo sa checkpoints na tulad ng mga nagtatrabaho sa ospital, mahalaga din na bigyan nila ng konsiderasyon ang mga taong ang negosyo ay konektado sa pagkain. Hindi ko maintindihan kung bakit hinaharang ang mga magsasaka at nagaalaga ng hayop. Sa totoo lamang ay kailangang kailangan natin sila sa ganitong panahon. Sa kanila nakasalalay ang seguridad natin sa pagkain.

Sa tingin ko, ngayon na ang buong mundo ay apektado ng COVID 19, hindi tayo maaaring umasa sa pag-angkat ng pagkain. Ngayon marahil ay naiintidihan na natin ang kahalagahan ng seguridad sa pagkain. Dapat ay pagisipan ng mga policy makers, kasama na ang ninang kong si Senador Cynthia Villar, ang resulta ng liberalization kaugnay sa pangunahing produkto tulad ng bigas. NFA rice na at hindi imported rice ang isinasama sa food packs na ipinamamahagi ngayon. Dahil sa kakulangan ng logistics nabubulok ang mga gulay na nanggagaling sa Norte. Nanganganib tayo magkaroon ng pagkukulang sa gulay. Sana ay higit na mabigyan ng prayoridad ang mga mungkahi ni Secretary Dar sa Inter-Agency Task Force on COVID 19 dahil kailangan natin unahin ang seguridad sa pagkain.

Sana ay dinggin ng pamahalaan itong aking payo (kahit hindi nila hinihingi) bago magkagulo ang mga tao dahil sa takot na magutom.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More