Una sa Balita

Paghuli sa tambay gamitan ng sentido kumon ng PNP

By
0 513

Sa aking pananaw ay walang masama kung mahigpit na ipatupad ng PNP ang mga batas partikular ang mga ordinansa na umiiral sa bawat siyudad at munisipalidad sa bansa.

Maaaring makatulong ang paghihigpit sa mga tambay upang mapigilan ang mga posibilidad na mangyaring krimen.

Dapat ay maging maingat lang naman ang mga pulis sa pagpapatupad ng batas.

Kailangan lang gamitan ng pulis ng tinatawag na sentido kumon para sa pagsita sa mga tambay.

Halimbawa, kung mayroong sisitahin ang mga pulis ay hanapan muna ng ID o identification card o iba pang dokumento na pagkakakilanlan ng isang tao.

Dito ay malalaman kung ano ang ginagawa ng isang tao sa isang lugar at kung ito ba ay tambay lang o galing sa eskuwela o trabaho.

Sakaling tambay nga at tagaroon pa sa lugar nakatira ay maaari namang sitahin lang at pakiusapan na umuwi na lang.

Maliban na lamang kung naaktuhan na gumagawa ng krimen ang sinasabing tambay.

Bukod dito, kung mayroong lantarang paglabag sa ordinansa tulad nang pag-inom ng alak sa kalye at iba pa.

Sa mga mahuhuli ay maaari naman na ang ipataw ay multa na lang at agad pauwiin at hindi na kailangan pa na sampahan ng kaso.

Sa ngayon ay tambak na ang mga nakabinbing kaso sa mga piskalya at korte na makakadagdag pa ang mga mahuhu­ling tambay sa simpleng kaso.

Maaaring maging positibo ang resulta ng pagkawala ng tambay dahil sa kampanyang ito pero naging masama sa pananaw ng publiko dahil sa palpak na pagpapatupad at hindi man lang ginamitan ng common sense ng ilang pulis.