Una sa Balita

Paghithit ng marijuana gagawing ligal sa Canada

0 634

MALAPIT nang isabatas sa Canada ang panukala para gawing ligal ang paghithit ng marijuana. Sa botong 56 pabor at 30 kontra at isang abs­tention, inaprubahan ng Canadian Senate ang Cannabis Act matapos ang anim na buwan na pag-aaral sa panukala.

Nangako naman si Prime Minister Justin Trudeu na isasabatas niya ito ngayong summer.

Ang Canada ang magiging kauna-unahang miyembro ng G7 na magliligalisa sa recrea­tional use ng marijuana. Ang paggamit ng marijuana sa paggamot ay pinahihintulutan sa bansang ito sapul noong 2001.

Ang inaprubahang pa­­nukala ay ibabalik sa House of Commons upang desisyunan ng mga mi­yembro ng Parliament kung tatanggapin ang mga ipinasok na amendment sa panukala.

Kung maisasabatas ang panukala, kailangan pang hintayin ang 12 linggo upang tuluyan itong magkabisa, at ma­kabili ang mga Canadian ng marijuana sa mga tindahan.

Ayon sa mga pagtaya, maaaring simulan ang pagbili ng marijuana sa dulo ng Agosto o pagpasok ng buwan ng Set­yembre.

Ang mga kabataan ang may pinakamalaking bilang ng gumagamit ng marijuana sa Canada.

Dahil dito, magsasagawa ng kaukulang hakbang ang Ottawa upang mailayo sa kabataan ang marijuana at hindi sila maging sakit ng ulo ng mga pulis at ng komunidad.