Una sa Balita

Paghihirap ni Ahwel Paz tampok sa MMK

0 2,413

Ibabahagi ng kilala at respetadong DZMM anchor at negosyante na si Ahwel Paz ang mga pinagdaanang niyang pagsubok bago makilala sa industriya ng showbiz sa kanyang life story na gagampanan ni Francis Magundayao ngayong Sabado (Feb. 10) sa MMK.

Lumaki si Ahwel (Francis) na kinagisnan ang pagsisikap ng ina para tugunan ang pangangailan nila ng kanyang mga kapatid. Sa edad na sampu, hindi paglalaro sa kalsada ang inaatupag ni Ahwel kundi ang pagtulong sa kanilang munting karinderya.

Kahit isang kahig isang tuka lamang ang pamilya, ginamit ito ni Ahwel na inspirasyon para pagbutihan niya ang pag-aaral at maging isa sa mga magagaling na orator sa kanilang eskwela.

Dahil sa pagsisikap, nakakuha pa siya ng scholarship at nakapag-aral sa isa sa mga magagandang kolehiyo sa Pilipinas.

Ngunit mas susubukin pa pala siya ng kapalaran nang masunog ang kanilang bahay at nawala ano man ang naipundar nila. Paano niya malalampasan ang pagsubok na ito?

Ang episode ay sa ilalim ng direksyon ni Topel Lee at panulat ni Akeem del Rosario. Ang “MMK” ay pinamumunuan ng Business Unit Head na si Roda C. dela Cerna at Star Creatives COO na si Malou N. Santos.