Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Paghahanda sa panahon ng bagyo

0 336

Ilang araw na lang Setyembre na. At tulad nang nakagawian, magsisimula na naman nating marinig ang mga awiting pamasko. Kahit ilang buwan pa bago mag-Christmas, maganda sa pandinig ang mga tugtuging pamasko dahil nagbibigay ito ng positibong pananaw at pag-asa sa kabila ng pandemya.

Ngunit bukod sa nalalapit na pasko, ang ‘ber’ months ay paalala upang tayo’y mag-ingat at maghanda. Sa panahong ito kasi karaniwang dumarating ang malalakas na bagyo. Sa pagtaya ng PAGASA, ngayong Setyembre ay inaasahang may tatlong bagyong darating. Huwag naman po sanang magkatotoo ang prediksyon ng weather bureau dahil karagdagang pasakit ito sa ating mga kababayang naghihikahos na sa pandemya.

Ayon sa historical data, humigit kumulang 20 bagyo ang dumadalaw sa Pilipinas taun-taon. Kaya naman noong nakaraang taon ay hiniling po natin sa national government na bumalangkas ng five-year Core Shelter Assistance (CSA) program upang makagawa ng mga typhoon-resistant na bahay na yari sa kongkreto para sa mga kapuspalad na nakatira sa delikadong lugar. Kasama dito ang Bicol Region at mga kapit-lalawigan natin sa tinatawag na eastern seaboard na nakaharap sa Dagat Pasipiko. Tayo kasi ang unang hinahambalos ng mga parating na bagyo sa bansa.

Ang ating panukalang typhoon-resistant houses ay yari sa slabs at concrete hollow blocks ngunit hindi kamahalan. Nagkakahalaga lang ito ng P120,000 hanggang P150,000 bawat unit. Kahit matipid sa gastos, matibay ang kongkretong bahay dahil kakayanin nito ang puwersa ng bagyong may lakas na hanging aabot sa 380 kilometro kada oras.

Aking isinusulong ang panukalang ito dahil marami pa rin sa ating mga kababayan sa Bicol Region ang walang permanenteng tirahan matapos wasakin ng magkakasunod na bagyo noong 2020, kabilang na ang Super Typhoon Rolly noong Nobyembre 1.

Wala pong patid ang pagtulong ng inyong lingkod at Ako Bicol Party-list sa mga kababayan nating homeless sa abot ng aming makakaya. Kaya naman labis po tayong nagagalak kung may ibang grupo o indibiduwal na tumutulong sa mga kababayan nating nangangailangan.

Kamakailan ay nakibahagi ang Ako Bicol Party-list sa Groundbreaking Ceremony ng Albay Shelter Assistance Project ng Philippine Red Cross (PRC) para sa mga pamilyang naging biktima ng Super Typhoon Rolly noong 2020. Ang seremonya ay ginanap sa Bubulusan Relocation Site, Guinobatan, Albay noong Agosto 20.

Ayon kay PRC Chairman Senator Richard “Dick” Gordon, 167 bahay ang ipapagawa ng PRC para sa 167 pamilyang benepisyaryo. Bukas din ang ahensyang tumanggap ng donasyon para sa mga nais pang magpaabot ng tulong sa ating mga kababayan.

Todo suporta rin sa nasabing proyekto sina Governor Al Francis Bichara, Vice Governor Edcel Grex Lagman, Board Member Vic Ziga, Jr., Provincial Engineer Dante Baclao, Guinobatan Mayor Gemma Ongjoco at Red Cross Chapter Administrator Legazpi Rose Rivera. Si Melinda Ebio ng Ako Bicol Party-list ang kumatawan sa inyong lingkod sa programa.

Kasama rin sa nasabing programa ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Albay at ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Guinobatan.

Taus puso akong nagpapasalamat kay Senator Dick Gordon at sa buong PRC sa walang sawang pagtulong sa ating mga kababayang Bicolano.

Sa ngalan po ng Ako Bicol Party-list, kami rin po’y nagpapasalamat sa pag-imbita sa isang napakahalagang seremonya na siguradong makatutulong sa ating mga kababayang Bicolano. Dios Mabalos po sa inyong lahat!

Leave A Reply

Your email address will not be published.