Una sa Balita

Paghahanap ng kapalit ni Sereno, simula na

By
0 1,911

INANUNSIYO kahapon ng Supreme Court (SC) na bukas na ang aplikasyon para sa posisyon na binakante ng dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay SC Spokesman Theodore Te, itinakda ang deadline sa Hulyo 26 para sa pagkompleto sa lahat ng mga kinakailangang isumite ng mga interesadong aplikante.

Ayon kay Te, lahat ng limang pinaka-senior associate justice ay awtomatikong nominado sa posisyon na binakante ni Sereno pero kinakailangan na magsumite sila ng ‘written acceptance’ bago sumapit ang Hulyo 26.

Nabatid na kabilang sa mga ikinukonsi­derang senior associate justice sa SC ay sina Acting Chief Justice Antonio Carpio, Teresita Castro, Noel Tijam, Presbitero Velasco, Dios­dado Peralta at Arturo Brion.

Gayunman, una nang ipinahayag ni Carpio na hindi niya tatanggapin ang anumang nominasyon para maging kapalit ni Sereno dahil na rin sa delicadeza.

Nakatakda namang magretiro sa SC si Velasco sa Agosto 8 dahil umabot na ito sa mandatory age of retirement sa hudikatura na 70 taong gulang.

Samantala, si Associate Justice Samuel Martires ay nagpahayag ng interes na maging kapalit ng magreretirong si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.