Una sa Balita

Pagdami ng battered husband nakakaalarma

0 398

Hindi normal sa ating lipunan ang napakabilis na pagdami ng mga battered husband o mga mister na nakakaranas ng domestic violence ngunit nakakaalarmang nangyayari na ito.

Dati-rati ay ginagawa lamang pangantiyaw ang salitang ‘Andres o Andres de Saya’ na ang ibig sabihin ay isang mister na sunud-sunuran sa lahat ng gusto ng kaniyang asawa, ngunit ngayon ay totohanan na. Lalo pa at padami na nang padami ang mga house husband o mga mister na siyang naiiwan sa bahay sa para mag-alaga ng mga anak, maglaba, magluto at gumawa ng mga gawaing bahay dahil ang misis ang nagtatrabaho.

Hindi ito ang tradisyonal nating kinalakihan dahil nakagisnan nating ang ating mga nanay ang nag-aasikaso sa bahay at mga anak habang wala si tatay sa bahay dahil abala ito sa kaniyang pagtatrabaho.

At tila kalakaran noon na kapag umuwi ang tatay nang medyo gabi na at amoy alak ay tahimik na ang buong bahay dahil baka magalit si tatay at mapalo pa ang mga anak at maging si misis ay tahimik dahil ayaw ng gulo.
Ngunit nagbabago talaga ang panahon, ibang-iba na ngayon dahil sa naglipana na ang mga mamahaling coffee shop na nagbebenta ng matatapang na kape kaya dumami na ang nerbiyosong mister.

Sa pinakahuling pag-aaral ay umabot na sa 24 porsiyento ng mga lalaki sa buong mundo ang dumaranas ng domestic violence o tahasang pang-aabuso sa kani-kanilang misis. Mismong sa ating bansa ay kabi-kabila na ang ganitong kaso at hindi lang pisikal nasasaktan ang mga mister kung hindi maging emosyonal dahil ang ibang misis ay nagtataksil pa sa kanilang pagmamahalan.

Parang ang laki ng inilakas ng loob ng mga misis ngayon kumpara mo noong unang panahon na kilala bilang ‘Maria Clara’ ang ating kababaihan na mayumi, mahinahon at hindi makabasag-pinggan.

Sa social media na lamang ay napakarami na nating makikita ng iba’t-ibang klase nang pang-aabuso at kabilang na dito ang mga mister na nawala na ang tikas dahil sa ilang kababaihang pinatapang na ng shabu.
Kahit sa mga barangay ay kapansin-pansin na hindi lang mga misis ang nagrereklamo nang panggugulpi dahil may mga mister din na sarado ang mga mata habang umiiyak na nagpapaliwanag sa kapitan ng barangay.

Marahil panahon na para amyendahan ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 para maisama ang kaso ng mga mister na dumaranas naman ng pighati sa kamay ng kanilang misis.

Bagama’t maari naman magreklamo ang mga mister batay sa ating Revised Penal Code sa pamamagitan ng kasong physical injury at serious physical injury, iba pa rin kung may partikular na batas para sa mga mister.
Sabagay ito naman talaga ang tunay na mukha nang pang-aabuso, walang pinipili maging lalaki man o babae dahil pareho silang nasasaktan ngunit parang mas masakit tingnan kung lalaki ang sugatan.

Sana lang tandaan natin ang kasabihan na ang babae ang ilaw ng tahanan, huwag lang mapupundi, hindi tulad ng lalaki na haligi ng tahanan na kahit inaanay na, nakatayo pa!
Ganyan katibay!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy