Una sa Balita

Pagcor nagpreno sa POGO

0 299

ITINIGIL ng Philippine Amusement and Gamin­g Corporation (Pagcor) ang pag-iisyu ng lisensiya ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), isang araw matapos ipagbawal ng Cambodia ang operasyon ng mga offshore casino dahil sa pagkaadik ng mga Chinese sa sugal.

Sinabi ni Pagcor Chairman at CEO Andrea Domingo sa ginanap na Nation forum ng National Press Club, na tinigil nila ang pagtanggap ng aplikasyon ng mga bagong POGO hangga’t hindi nareresolba ang isyu laban sa mga offshore casino, tulad ng masamang pag-uugali ng mga Chinese, hindi pagre-report ng tamang kita, naglalakihang suweldo at benepisyo ng mga nagtatrabaho at pang-eespiya sa mga military camp.

Tatagal aniya ang moratorium hanggang sa katapusan ng taon.

Itinigil ang pag-iisyu ng lisensiya sa mga bagong POGO tatlong linggo na ang nakaraan.

Umabot na sa 58 POGO ang inisyuhan ng lisensiya ng Pagcor, pero 16,000 Chinese lamang ang nagparehistro sa Bureau of Internal Revenue. Sa tantiya ni Senador Win Gatchalian, 80 POGO ang nag-ooperate sa bansa at tinatayang 200,000 ang nagtatrabaho sa kanila, karamihan ay tourist visa lamang ang pinanghahawakan.

Kamakailan lamang ay naglabas ng statement ang Chinese Embassy sa Pilipinas at nanawagan sila sa administrasyong Duterte na magsagawa ng crackdown sa mga Chinese na iligal na nagtatrabaho sa POGO.

Nitong Agosto 18, inanunsyo ng Cambodia na hindi na sila mag-iisyu ng lisensiya sa mga online gambling casino habang ang mga nabigyan naman ng lisensiya ay hindi na ire-renew.

“Some foreign criminals have taken refuge in the form of this gambling to cheat and extort money from victims, domestic and abroad, which affect the security, public order and social order,” paliwanag ni Cambodian Prime Minister Hun Sen.

Ang Cambodia ang pinakamahigpit na kaalyado ng China, kung saan malaking pondo ang ibinubuhos ng Beijing bilang ayuda sa pagbangon ng nasabing bansa. (Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy