Una sa Balita

Pagcor inutil sa POGO trafficking

0 362

KINASTIGO ni Senador Joel Villanueva ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) dahil sa kabiguan nilang matigil ang pagpupuslit ng mga Chinese para magtrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Ope­rator (POGO).

Ginawa ni Villa­nueva ang pahayag matapos sumambulat sa pagdinig ng Senate Committee on Women nitong Lunes ang lagayan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan P10,000 ang binabayad sa bawat Chinese na pumapasok para magtrabaho sa POGO.

Sa pagtaya ni Senador Risa Hontiveros, chair ng nasabing komite, aabot na sa P10 bilyon ang nahuthot sa mga Chinese simula nang payagan ang ope­rasyon ng POGO sa bansa. Sa halagang ito, nasa P1 hanggang P2 bilyon ang napunta sa mga opisyal ng immig­ration sa NAIA.

Ani Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, hindi lang ang Pagcor ang palpak kundi ang Bureau of Immigration (BI) at ang Department of Labor and Employment (DOLE).

“Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Palpak ang Immigration, palpak ang Pagcor, palpak ang DOLE. Ano ba pa ang hinihintay para masabing hindi sila handa sa POGO industry?” diin ni Villanueva na siyang chairman ng Senate Committee on Labor.

Muli namang giniit ni Villanueva ang suspensyon ng operasyon ng mga POGO bunsod ng nabuking na korap­syon sa BI.

“It’s clear that from what is happening now that happy days are back for the corrupt,” ayon sa senador.

“The government is having trouble regula­ting these POGOs. They are not paying taxes, they are challenging the bounds of our laws, they are not creating jobs for Filipinos. We call on the government to suspend POGO firms until it is able to rein in wayward companies who skirt around our laws.” giit pa niya.

Samantala, sinibak na ang mga opisyal ng BI na nakatalaga sa NAIA habang iniim­bestigahan ang umano’y ‘pastillas’ scheme na inaalalayan ang mga Chinese national sa mga pagpoproseso sa kanilang mga dokumento kapalit ng bayad.

Kabilang sa inalis ay ang mga NAIA terminal head at ang hepe ng Travel Control and Enforcement Unit na sinibak sa utos ni Immigration Commissioner Jaime Morente.

Ang mga opisyal, na hindi pinangalanan, ay inalis sa kanilang mga puwesto dahil sa command responsibility.

Ngunit ang imbestigasyon aniya ay hindi lang umiikot sa kanila.

Tinitingnan din ang mas malawak, lahat ng magiging konektado sa umano’y sistema, mapaloob man o labas. (Dindo Matining/Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More