Una sa Balita

Pagbuo ng National Land Transportation Safety Board itutulak sa Kongreso

0 238

ISINUSULONG ng isang kongresista ang pagkakaroon ng National Land Transportation Safety Board (NLTSB). Kasunod ito ng malaking bilang ng mga naitatalang disgrasya sa mga lansangan araw-araw.

Binanggit ni Deputy Minority Leader at Aa­ngat Tayo Party-list Rep. Harlin Neil Abayon III na batay sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong 2017 ay umaabot sa mahigit 300 ang disgrasya sa mga kalye kada-araw sa Metro Manila.

Napapanahon na aniyang isailalim sa itatatag na National Land Transportation Safety Board ang pagmamando sa road safety regulation ng lahat ng sasakyang pang-lupa kabilang na ang mga public utility vehicle.
Hindi umano dapat ipinauubaya ang gawain na ito sa Land Transportation Franchising and Regu­latory Board (LTFRB) o Land Transportation Office (LTO).

“We have an LTO that cannot issue driver’s licenses and motor vehicles plates on time and efficiently. The LTO also has very little enforcement presence on the roads,” sabi ni Abayon.

Kapag naitatag aniya ang NLTSB ay bibigyan ito ng kapangyarihan na magrenda at magbantay sa roadworthiness ng lahat ng land motor vehicle, magkansela o magsuspinde ng lisensya sa pagmamaneho, mag-imbestiga ng mga aksidente sa kalye at magresolba ng mga kasong administratibo mula sa mga nangyaring disgrasya.

Kinakailangan umano na bumuo ng isang permanenteng inter-agency committee o tanggapan na isasailalim sa pangangasiwa ng NLTSB na magtitipon, mag-aanalisa at mag-uulat sa publiko sa mga road safety issue. (A.Cano)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy