Una sa Balita

Pagbubukas ng Mamasapano massacre hirit ni Magalong

0 390

Pinabubuksan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Office of the Ombudsman ang kaso ng Mamasapano massacre dahil umano sa bagong ebidensiya na magdidiin kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa kalunos-lunos na pagkamatay ng 44 mi­yembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

Binanggit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng VACC, ang affidavit ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na magpapatibay umano sa 44 counts of reckless imprudence resulting in multiple homicide laban sa dating Pangulo.

Dating nanungkulan si Magalong bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagsagawa ng imbestigasyon sa Mamasapano operation.

Sa kanyang affidavit na inihain sa Ombudsman, sinabi ni Magalong na nilabag ng dating pangulo ang chain of command matapos na hindi ipabatid kay PNP officer-in-charge Leonardo Espina ang Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao na target hulihin ang teroristang si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Aniya pa, inaprubahan ang Oplan Exodus na sina dating PNP Director General Alan Purisima na suspindedo ng panahong iyon dahil sa kasong may kinalaman sa korapsyon, at da­ting PNP-SAF chief Getulio Napeñas lamang ang nakakaalam.

Matatandaang ibinasura na noong 2017 ng Ombudsman ang kasong reckless imprudence resulting­ in multiple homicide laban kay Aquino­ at iba pang kapwa akusado dahil­ sa kawalan ng probable cause. Kinatigan ng Supreme Court noong ­Set­yembre 3 ang naging desisyon ng Ombudsman. (Yves Briones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy