Una sa Balita

Pagbili ng supply pinatigil ni Vico

0 436

PANSAMANTALANG ipinatigil ni Pasig Mayor Vico Sotto ang pagbili ng mga bagong suplay ng mga kagamitan ng lokal na pamahalaan ng Pasig.

Ito’y matapos lumabas sa ulat ng Commission on Audit na hindi nila makita ang P1.46 bilyon na ginastos umano sa pagbili ng mga office supply.

Sa isang memorandum na nilagdaan ni Sotto, nakasaad na magpapatupad muna sila ng moratorium sa pagkuha ng suplay ng lahat ng departamento hangga’t hindi nakukumpleto ang kanilang inventory. Gayunman, sakaling may suplay na kailangang bilhin ay padadaanin muna ito sa Office of the Mayor para maaprubahan.

Ayon kay Sotto, base sa audit, P25.55 milyon lang ang halaga ng suplay na nakumpirma ng COA, kung kaya’t palaisipan kung saan napunta ang malaking budget ng lungsod.

Paliwanag pa ni Sotto, noong una ay ayaw niya pang magsalita sa isyu na ito dahil baka sabihing namumulitika lang siya pero sa ngalan umano ng ‘transparency’ kaya niya isinapubliko ang impormasyon na ito.

Samantala, ngayong araw din ang launching­ ng FOI at complaint unit sa Pasig. Ito’y para pagbigyan ang request ng publiko na makita ang budget ng proyekto, reklamo sa basura, masungit na empleyado, at iba pa. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy