Una sa Balita

Pagbawi sa tattoo ban sa PNP, AFP applicants anti-discriminatory

By
0 898

BINIGYANG-DIIN ni House Appropriations Committee chairman at Davao City Rep. Karlo Nograles na praktikal at anti-discriminatory ang panawagan niya na iti­gil na ang pagbabawal sa pagtanggap ng mga aplikanteng may tattoo sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Ikinatwiran ng solon na sa ibang mga bansa ay hindi na naghihigpit sa enlistment rules kaugnay sa ‘body ink’.

Tinukoy ni Nograles na sa United States (US), United Kingdom (UK) at Australia ay tinatanggap na ang mga aplikante na may tattoo.

Abante Hiring – IT dep

Hindi pabor si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa minumungkahi ng Davao solon dahil ayon sa kalihim, hindi magandang tingnan at ‘gangster image’ ang da­ting ng may tattoo.

“While I don’t blame Defense Secretary Lorenzana for being conser­vative, I believe that my proposal addresses two important matters when it comes to the recruitment process, practica­lity and discrimination,” pahayag ni Nograles.

Binanggit ng kongresista na tanggap na sa bansa ang tattoo bilang isang uri ng sining at kinilala na ang Pilipinas dahil dito.

Hindi aniya maikakaila na sumikat at kinilala sa iba’t ibang panig ng mundo ang 101-anyos na mambabatok na si Whang-od na itinutu­ring na pinakamatanda at nabubuhay na tradisyunal na Kalinga tattooist.

Kamakailan ay tinanggap na ng National Commission for Culture and the Arts of the Philippines ang no­minasyon ni Whang-od para sa National Living Treasures Award (Gawad Manlilikha ng Ba­yan/GAMABA).

Nitong Pebrero ay inaprubahan ng Senado ang isang resolusyon na sumusuporta kay Whang-od para sa GAMABA.