Una sa Balita

Pagbangon pagkatapos ng digmaan

0 182

Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana­ ang pagkamatay ng Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon at Maute group leader Omar Maute sa kamay ng mga tropa ng pamahalaan sa kanilang pinagtataguan sa Marawi City.

Maselan ang military operation lalo pa’t may mga bihag na sibilyan ang mga terorista na pinangangambahang gagamitin nilang human shield kapag nasukol ng mga sundalo.

Kaya saludo tayo sa mga tropa ng militar dahil hindi nagkaroon ng maraming casualty sa panig ng mga bihag nang kanilang pasukin ang pinagtataguan nina Hapilon at Maute.

Halos nasa ika-limang buwan na ang giyera sa Marawi na nagsimula noon pang Mayo 23.

Kaya maituturing na isang malaking ‘development’ ang pagkakapatay sa dalawang pinuno ng mga terorista.

Nababanaag na ang pagtatapos ng sagupaan sa siyudad. Mismong si Secretary Lorenzana ay nagpahayag na malaki ang implikasyon ng pagkamatay nina Hapilon at Maute sa bakbakan sa Marawi.

Halos tapos na o ilang araw na lamang ay magwawakas na ang digmaan.

Subalit hindi nagtatapos dito ang problema sa Marawi. Sa pagwawakas ng digmaan ay magsisimula rin ang pagbangon sa lungsod na winasak ng mga terorista.

Hindi magiging madali ang pagbangon ng Marawi. Hindi magiging mabilis para sa mga taga-Marawi ang pagbabalik sa normal ang kanilang pamumuhay.

Maraming kinakailangang gawin at ayusin. Maihahalintulad ito sa Tacloban City na hinagupit ng bagyong Yolanda at hanggang ngayon ay hindi pa ganap na nakakabangon.

Ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabangon ang Marawi mula sa pagkawasak nito.

Subalit hindi kakayanin kung ang pamahalaan lamang ang kikilos para maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao sa Marawi. Kailangan multi-sectoral ang pagkilos at pagtutulungan.

Mas mahirap ang pagbangon. Subalit walang imposible kung may pagkakaisa para makamit ito sa pangunguna ng ating Pangulo.